Sa huling linggo ng Marso at ngayong Abril 2026, nakapagbasa ako ng tatlong librong tumatalakay sa kolonyalismo. Bahagi ito ng personal na seleksyon ng mga babasahing itinutugma sa kasalukuyang gradwadong pag-aaral. Ang tatlong libro'y ang mga sumusunod:
1. Discourse on Colonialism (1950) ni AimΓ© CΓ©saire
2. The Myth of the Lazy Native (1977) ni Syed Hussein Alatas
3. Black Skin, White Masks (1952) ni Frantz Fanon
1. Discourse on Colonialism (1950) ni AimΓ© CΓ©saire
2. The Myth of the Lazy Native (1977) ni Syed Hussein Alatas
3. Black Skin, White Masks (1952) ni Frantz Fanon
Lubos akong naniniwalang ang karanasan ng mga inalipin at inabuso sa mahabang kasaysayan ng pananakop, bagaman subhetong danas, ay kayang-kaya ko ring maunawaan. At tingin ko, dapat natin itong maunawaan. Ang seleksyong ito ay malay na pagpapasya: kailangan ko itong maunawaan at pag-aralan.
Sa libro ni CΓ©saire, isa sa mga kaisipang bunga ng proyekto ng kolonyalista'y ipamukhang Kristiyano lamang ang "tanging sibilisado" (33). Mula rito, maaaring sabihing walang anumang pagpapahalagang makatao ang iniluluwal ng kolonyalismong nakabihis bilang pagpapaganda ng sibilisasyon. Nakalikha rin, kung gayon, ng hindi pantay na distribuyon ng kapangyarihan ang relasyong mananakop-sinasakop at, sa kasamaang palad, mula sa lupain ng Aprika hanggang Pilipinas, pinigilan ng kolonisasyon ang pagsulong sa kamalayan, intelektuwal na kapasidad, at kakayahan ng nakararami.
Ganito rin naman ang matatagpuan sa imbestigasyon ni Alatas, bunga ng kaniyang karanasan at obserbasyon sa mga kapatid na inalipin sa kontinente ng Asya: ang sibilisasyon at pagiging "hindi sapat" (bilang partikular, ang katamaran at kawalan ng kakayahan) ng mga katutubo ang nagsilbing "lehitimasyon ng pangongontrol at pang-aabuso" ng mga dayuhan (7). Ang pinakamatalas na punto ni Alatas ay ang paralelismo ng sabay na pagmimito at paglarga sa maagang hibo ng kapitalismo sa larangan ng paggawa. Aniya, sa kapitalistikong kalikasan ng kolonya, ang hindi sumunod sa atas at utos ay utas! Ang sumuway sa mandato ng kapital ay babansagang "indio" at "tamad" (Alatas 70).
Bilang panghuli, sa mas malawakang pagsipat, ang ganitong kalakaran ng mga ahente ng kolonyalismo ay nakalikha ng sikopatolohiya at neurotikong karamdamang dantaong humagupit sa mga Aprikano, Pilipino, at iba pang bansang naging biktima ng pananakop. Inferyorisasyon, ayon kay Fanon, ang isa sa pinakamalagim na bunga ng kolonisasyon: ang rasistang pagtingin na nag-aangat sa dayuhan at nagpapaba sa katutubo, sa puntong ninais ng mga katutubong gayahin ang imahe, galaw, wika, at paraan ng pag-iisip ng mga puti (70–73). Bilang doktor, isa sa mga anekdotang ibinahagi ni Fanon ang kaawa-awang sinapit ng kaniyang mga kababayan. Ang malagim na epekto ng pagmimito ay dumating sa puntong ang panaginip ng kaniyang mga pasyente ay naglalaman ng mabangis at itim na hayop hanggang sa mamamatay-taong itim na halimaw. Itim ang kulay ng katakot-takot na mga nilalang.
Ang ganitong pagmimito, paglalang sa imahe/n ng mga katutubo, at diskursibong konstruksyon sa otonomiya ng Pilipino ay litaw na litaw din sa mga kolonyal na teksto mapa-Kastila hanggang Amerika man. Pagkatapos ng mga librong ito, ang pag-imbestiga sa multo ng kolonyalismo sa mga akda ang isa sa mga daang maaaring lakarin ng mambabasa, iskolar, at guro. Sa kabilang banda, bukod sa paghubog sa imahe ng mga katutubo bilang pasibo, mahina, at walang otonomiya, ang mga kolonyal na tekstong ito ay makikitaan din ng pasipikasyon sa umiiral na pagsalunga sa lipunan. Tunay ang saad ni Fanon: ang pagsulat at paniniil, sa kamay ng dayuhan, ay iisa lamang. Ang emansipasyon sa pagkuwadrong ito, kung gayon, ang ating magiging bagong katauhan.