Inilimbag ng Philippine High School for the Arts sa Los Baños ng Laguna, ang Silang mga Nagmula sa Bumbilya (2023) ni Buwan Lila Sayajon ay isang proyekto tungkol sa paggalugad sa puwang ng sarili sa pagitan ng iba’t ibang mga lugar, wika, at nilalang. Isa si Sayajon sa maraming nagsisimulang manunulat na hindi nagdadalawang-isip ipook/ilugar/ikonteksto ang mga katha pabalik sa lupang sinilangan: sa matatayog na bundok at nahihimbing na ilog na binubulid ng probinsyal na mga tagpo at alaala. Litaw at hindi matatanggi ang sensibilidad sa katotohanang mayroong maligamgam na ugnayan ang tao at mundo.
Ang ugnayan ng sarili, kalikasan, at komunidad ay nagsisilbing pagmumuni sa mahalagang “pakikipagbuno ng tao sa kalikasan at kapwa” (Ngũgĩ wa Thiong’o). Bilang halimbawa, nauunawaan ni Sayajon na ang hayop ay hindi iba sa tao. Sa pamamagitan ng pagpapalitaw sa boses ng hayop, tagumpay na naiparating ang kuwento ng isang nilalang na, gaya ng isang tao, walang sariling tahanan, tulong sa usaping pangkalusugan, at kapwa nararanasan ang hind makapagpabuhay na sistema ng ating buhay:
Mabagal manganak ang mga aso. Isasandal nila ang buntis na katawan sa dingding, malalim kung huminga. Sa tuwing umaalingasaw ang baho ng sakit, ano kaya ang hugis ng kanilang diyos? Nakalawit ang dila, bumubula at nanginginig. . . Mabubuhay pa ng pitong taon ang ina. Mamamatay ang anak bukas.
Pansinin ang mahusay at kahanga-hangang paggamit ni Sayajon sa pangngalang pantangi o proper noun sa hayop na uwang. Makapangyarihan, para sa akin, ang pagtaliwas ng manunulat sa ideyang ang insekto (at iba pang maliliit na hayop) ay kumag, nilalang na madaling tapak-tapakan, tanggalan ng pakpak, insektong madaling lilipas sa hinagap; pagtaliwas din ito sa ortograpiyang sinasaad ng taong tao lamang ang may karapatan sa kaakuhan at pagkakakilanlan. Ang ganitong kalinaw at lusid na pagtingin sa buhay ay kahanga-hanga sa panahong kaydaling limutin, ipagkibit-balikat, at ang kumitil ng buhay, hindi lamang ng insekto, kundi ng tao.
Epektibo ang mga tula at kuwento ni Sayajon dahil na pagsipat sa tensyong matatagpuan sa puso ng komunidad, sa talaban o ugnayan ng sarili at mundo, ng hayop at tao, at ang sensibilidad, pag-aaruga, at pag-unawa sa kalagayan ng isa’t isa. Kapwa may karapatan ang bawat isang mabuhay at damhin ang sariling pag-iral:
Pinapahinga ni Uwang ang kanyang mga paa sa ibabaw ng lamesa… Hindi alam ni Uwang na berde ang kulay ng kanyang dugo. Nararamdaman niya lang kung paano ito dumadaloy patungo sa natatangi niyang sungay kung saan — sa kanyang hinala — nagtatago ang kanyang utak. Magpapahinga lang siya ngayon, munting tiyan na punong-puno ng katas, at mananaginip.
Sa panahon ng henosidyo ng Israel sa Palestine, nakamamanhid ang mga balita ng kamatayan at pagkawala. Sa opisyal na ulat ng Al Jazeera, ngayong Pebrero ng taong ito, humigit-kumulang 61,709 katao, 17,492 ang mga bata sa bilang na ito, ang pinatay ng Israel sa kabig-udyok ng imperyalistang Amerika. Ang dinanas at patuloy na dinaranas ng mga Palestino: ang malupit na pananakop at pagpapalayas sa kanilang lupang sinilangan, at pagkitil sa kanilang buhay ay hindi nalalayo sa karanasan ng mga Pilipino. Hindi basta-basta maaaring idispatsa ang reyalidad na magkabigkis ang buhay at danas ng mga tao, ilang libong milya man ang layo sa isa’t isa.
Idagdag mo pa ang pagkitil sa mga mamamahayag at aktibista sa loob at labas ng Pilipinas, at pagpapahintulot ng kasalukuyang kaayusan para manatili at manganak pa nang manganak ang mga tulad nina Trump, Duterte, at Marcos, nasasaksihan natin ang patuloy na pagkawala ng halaga ng buhay ng mga tao. Sa ganitong konteksto nagiging komplisit/kapakat ang panitikan: ang patuloy na pagluwal ng mga kuwentong ipinagpapalagay na unibersal ang danas ng indibiduwal gayong napakalayo nito sa materyal na karanasan at pangangailangan ng mga tao.
Ang libro, sa pangkalahatan, ay tila mainit at malambing na yakap na magwawaksi sa nosyon ng pagpapatron sa indibiduwal. Maihahanay ang proyekto ni Sayajon sa mga kathang bumabalikwas sa namamayaning naratibo kung saan ang tagpo sa buhay ng isang tao ay inihihiwalay sa usapin ng uri, kasarian, lahi, at komunidad. Nagpapaalala ang proyekto ni Sayajon na ang puwang ng indibiduwal ay wala sa pedestal kundi nasa ugnayan ng lahat ng bagay, nasa pagpapahalaga sa buhay ng bawat nilalang.