Book Log: Hunyo–Hulyo 2026

Noong nakaraang mga buwan, mula Enero hanggang Mayo, nakapagbasa ako ng dalawampu't dalawang libro. Ngayong mga buwan ng Hunyo at Hulyo naman, labintatlo. Pinakaproduktibo ang mga buwang ito sa akin dahil bakasyon ngayon sa masteradong pag-aaral. Sumatutal, nakaka-35 na libro na ako ngayong nangangalahati na ang taong 2026. Heto ang mga librong nabasa ko nitong huling dalawang buwan:


Hunyo (6):

23. Closer (1989) ni Dennis Cooper
24. The Sluts (2004) ni Dennis Cooper
25. There Is an Anger that Moves (2007) ni Kei Miller
26. I Do Know Some Things (2025) by Richard Siken
27. Pedagogy of Solidarity (2014) ni Paulo Freire
28. Pedagogy of the Oppressed (1968) ni Paulo Freire

Hulyo (7):

29. Venom (2002) ni Saneh Sangsuk
30. The Flag of Childhood (2002) ni Naomi Shihab Nye
31. A Shining (2023) ni Jon Fosse
32. Morning and Evening (2000) ni Jon Fosse
33. The Corpse Exhibition and Other Stories of Iraq (2014) ni Hassan Blasim
34. The Madman of Freedom Square (2004) ni Hassan Blasim
35. The Box Man (2010) ni Imiri Sakabashira

Rebelasyon si Dennis Cooper sa akin. May mga uri ng transgresyong tila paglalabas lamang ng angas sa mundo. Hindi na ako namamangha rito. Tingin ko, tapos na ang panahon para mamangha sa estetikang ninais maisulong ng mga tulad ni Marquis de Sade. Pero itong si Cooper, puwersahan sa aking ipinakita't ipinaranas ang isa pang marahas na digresyon sa dakilang naratibo ng ating mga buhay. Narito ang mga tauhang binuwal ng napakaindibiduwalistikong lipunang nagdidikta sa pagmamalay ng bawat isa hinggil sa seksuwalidad at relasyon. Humanga rin sa paglalaro sa anyo ng nobela bilang mga paskil sa forum at sanga-sangang komento mula sa iba't ibang tao. Ang mga tsismis, haka-haka, at nagkikiskisang komentaryong isinisiwalat ang pluralidad ng katotohanan.

Dahil pagbubukas ng akademikong taon ang buwan ng Hunyo, binasa ko naman ang dalawang libro ni Paulo Freire hinggil sa pedagohiya at edukasyon.

Pinakaproduktibo naman ang buwan ng Hulyo para sa akin. Pitong libro ang binasa ko, walang iisang tema ang mga libro't kung ano na lamang ang maibigang basahin. Nobela ni Sangsuk na matagal ko nang gustong basahin: isang matalas na alegorya sa kahihinatnan ng lipunang naniniwala sa pekeng propetang nangangako ng katubusan sa sangkatauhan. Binasa ko rin ang dalawang Jon Fosse at Hassan Blasim mula sa aking listahan ng to-be-read na mga libro. Natatawa ako habang isinusulat ito dahil tila nasa magkabilang panig ang panulat ng dalawa: isang biblikal na pagsisiwalat sa sala-salabid na buhay ng bawat isa sa atin (Jon Fosse) at isang pagbato ng bomba sa pusod ng lungsod (Blasim).


Binasa naman, para sa huling mga araw sa buwan ng Hulyo, itong The Box Man (2009) ni Imiri Sakabashira. Absurdo, mapaglaro ang mga parisukat na pohas, at parang may gustong sabihing mahalaga sa reyalidad ng Japan sa kasalukuyang panahon. Naalala ko ang malikot na imahinasyon at matalas na kritika nina Satoshi Kon, Ryu Murakami, at Yoshihiro Tatsumi. Sa libro ni Sakabashira, kagaya ng mga nabanggit na manlilikha, inilalantad ang Japan sa pinakakasuklam-suklam na imahe nito. Sa isang bahagi, naligaw ang dalawang tauhan sa gusaling naglalaman ng iba't ibang alternatibong reyalidad. Ang mga reyalidad na ito'y binubuod ng karahasan at pang-aabuso. Ang dating sa akin: hindi na kailangang kumatha ng panibagong impyerno ni Dante; ang mundo, ayon kay Sakabashira, ang mismong impyerno. Narito ang lagim at dahas na dapat nating tubusin. Kailangan lamang titigan ang iniiwasang tapunan ng tingin nang marami, pangahasang titigan ang abismong naglalaman ng pinakamalalagim na reyalidad ng mundo. Ngayon ko lang din nalamang higante pala sa larangan ng pagguhit si Sakabashira sa bansang Japan!

Tala sa Kuwaderno II

    


    Naniniwala pa rin ako sa kapangyarihan ng salita. Nananalig sa potensyal ng panitikan. Ito ang naisip ko matapos muling ipaalala ng nobelang Noli Me Tangere (1887) ang malupit na hagupit ng opresibong katotohanan. Ang pagkukuwento ni Elias, bilang partikular, sa sinapit ng isa sa mga ilaw ng tahanan sa kanilang angkan. Ang pugot na ulo ng kaniyang anak ang huling imaheng rumehistro sa utak ng nanay bago ito patayin ng estado. Ang hirap sa paglunok matapos maunawaang nangyari, nangyayari, at mangyayari pa ito sa hindi malayong panahon. Ang kirot sa pag-unawang ang ating mundo’y patuloy na nagluluwal ng ganitong mga tagpo. At napakalagim ng katotohanang ito. May ganito ring bigat sa kuwento ng paghahanap ni Julio Madiaga kay Ligaya sa Maynila. At kung bakit, para sa akin, patuloy pa ring hinahabol ng anino ng mga patalim si Julio sa makipot na daan ng Maynila na iniilawan lamang ng paltik ng kislap mula sa mga kutsilyong nasisinagan ng bilog na bilog na buwan. At kung bakit, tulad ng mga kapatid nating Indones sa karatig-bansa, sa nobelang Lelaki Harimau (2004) ni Eka Kurniawan, ang lahat sa atin ay may kani-kaniyang tigreng natutulog sa hawla nating tadyang, handang sakmalin at punitin ang laman ng sinumang babastos sa ating mga mahal sa buhay: gaya ni Ligaya, gaya ni Maria Clara, at hanggang sa mga babaylang tinugis sa kanilang mga komunidad sa prekolonyal na lipunang Pilipino. Gusto kong isiping ang ating mga magulang ang pinakamasugid na mambabasa ng panitikan. Dahil ang salita bago maging salita, ang nobela bago maging nobela, ang tula bago maging tula, ay nakaguhit na sa kanilang mga palad, sa makapal na kalyo ng kanilang mga daliri, sa kurbadong likod, nananakit na bahagi ng katawan, hapdi ng mata sa pawis at luha, ang lalim ng kanilang mga buntonghininga.

Tala sa Kuwaderno I

    Hindi ko alam kung saang litrato ko nakita, kay Robert Coover ata o Ricardo Piglia. Pero heto: nobelang basag-basag; nobelang gawa sa ref magnets ng iba't ibang lugar na pinuntahan at di na nagawang tanggalin matapos kunin ng bumili ilang oras bago ito ilista sa Facebook marketplace; nobelang gawa sa pinirmahang kasunduan na babayaran ang napakalaking utang na ipinasa sa iyo ng magulang; nobelang kasama ng malalim na buntonghininga ng magulang pagkatapos ipaalam at sambitin, dahan-dahan, ilang gabi rin ba itong tinimbang kung dapat sabihin, ngunit nalalapit na ang palugit, at kailangan nang bumili ng rekisito sa isang asignatura sa hayskul para tumaas ang marka; nobela ang madungis na dingding ng inihiang pampublikong palikuran, isang saglit na kabanatang sinakop ng mahaba-habang digresyon tungkol sa pangangailangan ng saglit na ginhawa't ligaya, binilang pa kung labing-isa ang numero, bago itipa sa cellphone, at mag-notify na wala na palang load. Ito ang nobela bago ang balangkas nito, ang salita bago maging salita: isang buntonghininga.

Ang Magbasa'y Hindi Biro

1. Kasalukuyan kong binabasa ang Not to Read (Fitzcarraldo Editions, 2018) ni Alejandro Zambra, salin ni Megan McDowell. Namamangha sa talas at linaw ng kaniyang mga muni tungkol sa panitikan at buhay. Halimbawa, sa Obligatory Readings, unang sanaysay sa nasabing libro, ikinuwento niya ang hirap na naranasan sa pilit na pagpapabasa sa kanila ng nobelang Madame Bovary ni Gustave Flaubert noong hayskul. Sino ba itong misteryosong Pranses na ngayon ko lang narinig ang pangalan, agam-agam ng manunulat. Dagdag sa muni ni Zambra: bakit ba ito kailangang basahin, at bakit tila maski ang aming guro'y ni hindi naman nabasa ang nobelang ito. Sa napakaikling sanaysay, naitahi ang suliranin hinggil sa literary canon, pagpili ng babasahin, at maka-Amerikanong kurikulum ng mga paaralan sa kolonisadong bansa.

2. Hindi ko na alam ang babasahin. Noong nakaraang linggo, sinubukan kong basahin ang salin ni Michael R. Katz ng mga pamosong nobela ni Fyodor Dostoevsky: ang Crime and Punishment at The Brothers Karamazov. Ngunit tila dumaraan lang sa utak ko ang unang mga pahina ng libro. Ganoon din ang nangyari nang simulan ko ang mga nobela ni Javier Marias na A Heart So White at Tomorrow in the Battle Think of Me. May pangangati sa loob ng aking bungong hindi ko makamot-kamot, sinasabi: ang ganito kagandang prosa'y dapat kong mabasa sa mga panahong wala akong ibang iniisip na mabigat tulad ng trabaho, trabaho, pera, at trabaho. Ngunit kailan darating ang panahong wala akong ibang iisiping mabigat tulad ng trabaho at pera, bilang guro at bilang panganay, sa bansang araw-araw nilalabanan ang sanhi ng kagutuman at kahirapan? Parang si Ranz, sa nobela ni Marias: "everyone said how unlucky for Ranz, the brother-in-law, the husband, beind widowed for a second time." Punyal sa puso.

3. Isa sa mga lihim ni Zambra, pag-amin niya sa nabanggit na libro, ay ang paghusga sa mga kaibigan sang-ayon sa mga librong nasa salansan ng kani-kanilang silid-aklatan. Kung mas maraming Puting manunulat, ano ang sinasabi nito sa pormatibong karanasan at pananaw ng mambabasa? Sa Pilipinas, halimbawa, parang kailangang ipaalala na may higit pa sa "required readings" at pagbasa sa "required readings" na ito. Parang kailangan ng kontra-"required readings" sa hanay ng mga manunulat at mambabasa. Nasa isip ko nitong nakaraan ang seleksyon ng mga manunulat sa Baitang 9 ng Filipino, partikular yaong mga manunulat na Aprikano sa Afro-Asian Literature. Paano, halimbawa, binibigyang-kahulugan ang rebolusyon, ang ugat ng dalita ng mga kapatid natin sa Aprika? Tanong, napakaraming mga tanong. At gaya ng paghuhusga ni Zambra, kailangang magduda, kailangang magkaroon ng mga tanong at napakaraming mga tanong.

4. Natuklasan ko kamakailan lamang ang Lotus Prize. Patimpalak itong nagtangkang tunggalian ang eurosentrikong mga patimpalak tulad ng Nobel Prize for Literature at iba pang patimpalak ng Amerikang pinondohan para isulong ang kanilang pampulitikang adyenda. Nais ko sanang basahin ang Septology ni Jon Fosse (nauna ko nang basahin ngayong Hulyo ang kaniyang A Shining at Morning and Evening) ngunit iniisip kong ipagpaliban ko muna. Nagbabalak akong basahin para sa huling kalahati ng taong 2026 ang lahat ng awtor na nanalo sa Lotus Prize. Halimbawa, kay Alex la Guma, ang kauna-unahang nanalo sa nasabing patimpalak noong 1969, ay nais kong basahin ang mga librong A Walk in the Night at Time of the Butcherbird. Susunod, para sa taong 1970, si Mahmond Darwish. Hanggang sa kahuli-hulihan, kay Abdulaziz Al-Maqaleh noong 1986. May dating din sa akin ang kurasyong ito dahil may kinalaman ang Lotus Prize sa Cold War, isa sa mga paksang nais ko pang saliksikin.

5. Panabla sa pagod: magpasok ng mga libro sa ereader. Magtambak lang. Magbasa ng unang mga pahina. Naisip ko nga, isang biro, na ang langit ay silid-aklatang naglalaman ng mga librong sinubukan mong silipin, basahin ang unang mga pahina't kabanata, ngunit pansamantalang inihinto dahil sa tawag ng pangangailangan sa buhay, hanggang sa nakalimutan na't umandar ang buhay nang tuluyan. Ngunit naroon na rin ang sagot, kailangang ipaglaban ang isang hinaharap na hindi na kailangang makaramdam ng kirot at pagmamadali sa tuwing magbabasa, dahil may kailangan pang gawin at unahin, may email na kailangang tugunan, tawag ng bos na kailangang paglimian, at backlogs na gagawin na namang unan sa pagtulog. Sa loob ng libro: ang buhay sa kasalukuyan. Sa labas ng libro: ang buhay na kailangang baguhin para sa hinaharap.

Sangkaterbang Sanaysay

Isang eksena: luluwas ka na naman patungong Czech Republic. Puno ang bagahe ng sangkaterbang sanaysay at lakas ng loob na lalo pang pinatatatag ng mga mahal sa buhay. Isang pangako ang iniiwan mong ngiti: agad kang babalik. Isang pakiusap na ring huwag silang mag-alala, magdadala ka ng pasalubong na halik, sasalubungin mo sila ng yakap sa iyong pag-uwi.

Ang Czech Republic na ito ay hindi bansa sa mapa. Isa itong bansang matagal nang binuo ng kolektibong biro ng mga guro tuwing sasapit ang panahon ng pagwawasto sa mga awtput ng mga mag-aaral. Pansamantalang pagluwas at paglayo sa mga minamahal. Pagpuputol ng sariling mga kamay at paa. Kung magkakaroon man ng oras para sa sarili, hindi ito gugugulin sa pamamahinga kundi sa sangkaterbang papel na kailangang basahin, unawain, at markahan.

Ngunit ano nga ba ang magagawa ng guro?

Sa isang sistemang mas pinahahalagahan ang kantidad kaysa kalidad, hindi nakapagtatakang ang dala-dala ng guro ay laging mabigat. Kasama ng sangkaterbang sanaysay ang iba pang pasan-pasan niyang tunggalian: kakarampot na sahod, patung-patong na gawaing administratibo, at pabago-bagong kurikulum na bihirang isaalang-alang ang mismong kalagayan ng nagtuturo. Paalala nga ni Adam Kotsko sa Neoliberalism's Demons, ang bawat kritika ng guro sa akademya ay hinugot mula sa kaniyang anekdota. Hindi hiwalay ang pagsusuri sa sistema sa araw-araw na karanasan ng guro. Sa bawat gabing ginugugol sa pagwawasto ng mga papel, sa bawat dagdag na trabahong hindi naman kinikilala bilang paggawa, at sa bawat pag-aangkop sa bagong polisiyang ipinapataw mula sa itaas, naisasalaysay ang tahimik na kasaysayan ng paggawa sa ilalim ng kasalukuyang kaayusan.

Sa Israel, halimbawa, ang edukasyon ay nakatuon sa pagsulong ng rasistang historikal na naratibo ng mga Zionistang bumubura sa kasaysayan, kultura, at buhay ng mga Arab at Palestinian. Sa Pilipinas, ang edukasyon ay naglalayong magprodyus ng ideyal na manggagawa. Nangunguna rito ang Commission on Higher Education (CHEd) sa pagtanggal ng mga GE sabjek tulad ng kasaysayan, humanidades, agham panlipunan, at panitikang naglalayong turuang mag-isip nang kritikal, pagdudahan ang nakasanayang mga katotohanan, at makapag-ambag sa produksyon ng kaalaman sa loob at labas—lalo na sa labas—ng paaralan.

Hindi maihihiwalay rito ang interes ng malalaking korporasyon. Higit nilang kailangan ang mga manggagawang masunurin kaysa mapanuri, ang mga empleyadong handang sumunod kaysa magtanong. Mahusay kung mahusay, ngunit sa antas lamang ng indibiduwal na pagganap. Ang mithiin ay hindi kolektibong pag-unlad kundi walang tigil na kompetisyon. Ang bawat isa ay hinihikayat na tingnan ang kapwa bilang kalaban sa promosyon, sa posisyon, at sa pagkakataon. Itong ganitong mga empleyado ang makapagpapataba sa bulsa ng mga manedyer sa deerkon nilang opisina habang pakape-kape lamang habang ang mga empleyado, pinagbabayad pa ng tubig na iniinom nila sa trabaho!

Ngunit ano nga ba ang magagawa ng guro?

Mula Israel hanggang Pilipinas, kailangang labanan ang pasistang pedagohiya ng kasalukuyang panahon. Kailangang tanungin ang mga sarili: anong uri ng tao at uri ng lipunan ang hinuhubog ng kasalukuyang edukasyon? Marahil, ito ang dahilan kung bakit hindi dapat tuluyang katakutan ang metaporikal na Czech Republic. Sa bawat pagluluwas ng guro, hindi lamang sangkaterbang sanaysay ang laman ng kaniyang maleta. Naroon din ang posibilidad na sa gitna ng daan-daang papel ay may isang mag-aaral na nagsimulang mag-isip nang higit sa hinihingi ng rubriks. May isang talatang tumangging ulitin ang nakasanayang sagot. May isang sanaysay na naglakas-loob magtanong sa mga ipinapalagay na katotohanan. Sa panahong ang edukasyon ay lalong pinamamahalaan ng mga sukatan ng produktibidad, lohika ng neoliberalismo, maging ng artipisyal na intelihensiya, lalo ring nagiging mahalaga ang papel ng gurong nakakakita ng higit sa abot-tanaw ng tamang gramatika at wastong estruktura.

Walang puntos sa algoritmo ang pag-aalinlangan, ang malasakit sa kapwa, ang pagkamalikhaing sumusuway sa dikta ng kasalukuyan, at ang unti-unting pag-usbong ng kritikal na kamalayan. Laging magtitiwala at maniniwalang mayroon pang mumunting bakas ng humanidad na patuloy na umaalpas sa pasistang pedagohiyang naghahangad gawing makina ang pagkatuto at pabrika ang paaralan. Ang puso ng guro ay talagang mabigat dahil dala nito ang kaniyang pangarap at aspirasyon ng kaniyang mga mahal sa buhay: isang hinaharap na nakabubuhay para sa lahat.