Hindi gaya ng mga Pilipinong humihingi ng pasintabi sa mga manong at manang na nag-uusap o sa mga nunong nagpapahinga sa gilid ng daan o sukal ng gubat, hindi nagsasabi ng "makikiraan po" ang bagyo. Kusa itong dumaraan sa buhay at bahay nating lahat. Sa isang paskil ni Edgar Calabia Samar, kapwa mahalaga ang pagsagip sa lahat ng bagay na nasira at pagtatanong, pagkatapos, kung "bakit patuloy na nangyayari" hindi ang pagdaan ng bagyo kundi ang patuloy na paglakas ng hagupit nito sa atin.
Mas lalo pang titindi ang hilakbot na dala ng nagbababalang kalikasan sa tuwing madaraanan sa news feed ang litrato ng usok mula Indonesia na umabot sa bansa natin, daan-daang nawawala sa Nepal, at ang hagupit ng sunod-sunod na bagyong gumimbal sa kalakhan ng ating Agosto.
Sa isang bidyo, hindi malaman kung patay o buhay ang isang chimpanzee sa Indonesia matapos ang sunog sa plantasyon. Marahil panahon na rin para timbangin ang kahulugan at katuturan ng salitang katarungan. Paano umiiral ang katarungan hindi lang para sa mga tao kundi sa buhay ng mga hayop at halamang kaalinsabay nating nabubuhay sa amorposong mga ekolohiya ng ating kapaligiran? Isinusulat ko ang mga salitang ito habang naaalala kung gaano kahalaga ang hayop at halaman sa ating sensibilidad sa prekolonyal na lipunang Pilipino. Sino nga ba ang kasama ni Lam-ang sa pagsupil sa kaniyang mga kalaban? Yung mahiwaga niyang manok, syempre. Gaya ng ating mga ninuno, mga diyos na makasarili't walang pakialam sa buhay nating mga maliliit ang kalaban: ang multinasyunal na korporasyon, ang Pax Silica, at mayayamang bilyonaryong ang tingin sa kalikasan ay hindi nasasaid at hindi nauubos.
Ang mundo, para sa iba, ay isang malawak na plantasyon. Ito ang natutuhan ko sa pagbabasa sa unang mga kabanata ng Plantations (2026) ni Sophie Chao. Ipaliliwanag niya ito bilang "industriyal na imprastruktura" na ang tanging layunin ay "palawakin pa ang malawak na ngang kasaysayan ng kolonyal na pananakop, kapitalista at teritoryal na apropriyasyon sa kalikasan, at burukratikong pananakop" sa lupaing minana sa mga ninunong nauna sa atin.
Paglalapat ng militaristikong tendensiya ng imperyo sa agrikultura. Ang buhay ng hayop at halaman bilang bala ng baril na madaling ikasa, itapong parang bomba sa paligid, isang walang tigil na destruksyon sa buhay ng itinuturing nilang maliliit, alang-ala sa pagkamal ng walang humpay na salapi.
Sa isang interbyu ni Chao hinggil sa West Papua, ang tawag sa mga hayop na pinipilit pa ring manahan kahit pa sinunog na ang kanilang lugar ay mga plastik. Kagaya sa larawan. Isang magaang panimbang sa mahalagang buhay ng isang nilalang. Magaan, tinatangay ng hangin, pabayaan na lang. Basura sa kapaligiran. Mura kung ipakikilo sa junk shop, kaya pabayaan na lang.
Paalala ni Chao, dahil plantasyon, kahit pa sabihing hindi pa nakatatapak sa putik sa kabukiran, ang mga pagkaing kinakain natin ay bahagi ng sistema ng plantasyon kaya marapat lamang makiisa sa laban para sagipin, aniya, ang ating nanganganib na mundo.
Paano ba natin tinatakal at sinusukat ang buhay? Sa agham, sabi ng maka-Kanluraning pag-unawa't pagpapahalaga sa buhay, tao ang komportableng nakaupo, nakadekuwatro pa ata, sa food pyramid, nakasalampak sa tugatog. Ngunit ang kalikasan ng plantasyon ay nagiging mahalaga dahil sa relasyon ng mga "multispecies" o ng tao at hayop at halaman at ating mga tahanan sa plantasyong mundo. Kapag sinabing daigdig ng mga tao, kasama ang mga hayop at halaman.
Ang di-tao, dahil hindi makatao, o walang pakialam sa mga tao, ay ang estruktura ng karahasan at kamatayan: ang pang-aabuso, ang pagmimina sa lupain ng mga katutubo, ang urbanisasyon at militarisasyon sa kanayunan, ang dambuhalang plantasyon, at ang eradikasyon ng mundong higit pa rito. Bahagi, kung gayon, ng bubuuhin nating ekolohiya sa hinaharap ang kamatayan ng mapaminsalang di-taong imperyo.