Mahalaga ang panitikan bilang sanggunian ng kasalukuyang panahon. Sa sanaysay na The Politics of Canon ni Ngugi wa Thiong’o [1], binigyang-kahulugan ni Ngugi ang panitikan bilang isang gawaing panlipunan. Dinodokumento ng manunulat, sa puso ng kaniyang teksto, hayag man o hindi sa naratibo, malay man o hindi ang nagkukuwento, ang kaniyang pag-iral sa loob ng isang komunidad.
Tila isang bukal ang lipunan at sumasalok ang manunulat dito. Nasa panitikan ang mga imahe at senyas ng sabay na pagtingin ng tao sa kaniyang espisipikong panahon at kung paano nililikha ng espisipikong panahong ito ang iba’t ibang pagtingin natin sa ating mga sarili. Sa ganitong pananaw, ang panitikan ay hindi lamang salamin ng lipunan kundi isang aktibong puwersang nakikialam at nakikibahagi sa paghubog ng kamalayan ng mambabasa at manunulat.
Ngunit paano kung may mga aktibong puwersang pumipigil upang maging masaklaw ang ugnayan ng manunulat, mambabasa, lipunan, at inaasam na pagbabago ng mundo?
Ang taling nagbibigkis sa talaban ng anyo at nilalaman ng teksto, sabi uli ni Ngugi, ay ang kasaysayan. Kung gayon, ang paggasta at paggamit ng kapangyarihan nang sa gayo’y may mga manunulat na hindi mapakinggan ay isang anyo ng paggigiit sa kasaysayan. Sa hayagang pagsasantabi ng mga manunulat, sa paggigiit sa kanila ng puwang o espasyo sa pagsusulat, nagkaroon ng mga lihim na bayani ng panitikan [2]. Silang mga manunulat na wala sa sentro, inililihim, pinapatawan ng sensura, pinatatahimik, niri-redtag at binabasangang kalaban at terorista, may paninindigan kung ano ang makabubuti sa maraming naghihirap na Pilipino.
Bilang partikular, nagbigay si MJ Rafal ng impetus sa pagkakaroon ng mga lihim na bayani ng panitikan: marhinalisasyon sa lipunan, kakulangan sa akses sa publikasyon, paninindigang politikal at ideolohikal, paggamit ng alternatibong wika at/o anyong pampanitikan, kasarian at seksuwalidad, paglalangkap ng di-mainstream na estilo sa pagsulat, anonymity o kolektibong paglikha, at aktuwal na pagbubura mismo sa kasaysayan.
Sa kabilang banda, hindi na ito bago. May agawan sa espasyo dahil ang kasaganahan at pagkasobra ng mga naratibo ay nagdudulot sa pagkabingi ng mga tao sa boses ng mga dapat mapakinggan: ang hinaing sa mga batayang karapatan tulad ng pabahay, edukasyon, kalusugan, hanggang sa uri at ari. Lumang tugtuging kabisado na ng ating laman at diwa. Dahil may mga naratibong inilalagay sa periperal, may mga naratibong naghahari-harian sa sentro.
Binansagan ni Conchitina Cruz ito bilang literature of complicity [3]: mga tekstong di-malay sa uri, kasarian, at lahi, na nagdudulot ng pag-uulit sa “nangyayaring di-pagkakapantay-pantay sa ating mundo.” Itong mga tekstong ito ay hinugot, pagdaragdag ni Cruz, sa iisang “pool of aesthetic values” na dominanteng moda ng pagkatha ng panahong ito.
Hindi na kailangang pakumplikahin pa: saang estetika ka bumabakas, dalawa lamang, sabi ni Edel Garcellano [4]: sa “opresyon at pananamantalang sumasandal sa dominasyon ng mga mayayaman sa mahihirap” o sa “pakikibaka ng sangkatauhan para sa kalayaan.” Hindi makatatakas ang manunulat sa ganitong pagtitimbang dahil ang akto ng pagsulat at dahilan nito ay manggagaling sa kaniyang lokasyon (binubusabos o busabos?) at pananaw (ano ang pambubusabos para sa kaniya, bilang halimbawa).
Nitong nakaraang mga linggo, binasa ko ang 채식주의자 / The Vegetarian ni Han Kang at De ansatte / The Employees ni Olga Ravn. Tungkol ang unang nobela sa isang babae na, sa takot ng kaniyang asawa at mga magulang, nagpasyang tumigil sa pagkain ng karne. Bahagi ng layunin ng nobela ang pagtalakay sa ating kolektibong pananaw sa katawan ng babae at sa mga inaasahang konstrak na ikinakabit natin dito. Sinisiyasat ng nobela ang tinatawag na male gaze, hindi lamang bilang hiwalay na kaso ng pang-aabuso ng mga heteroseksuwal, kundi bilang bahagi ng patriyarkal na pang-aapi na sistematiko at institusyunal. Minsan, pinalalala pa ito ng mga babae mismo sa pamamagitan ng pagsandig sa mga nosyon at imahe ng male gaze. Nasa danas ng bida ang mahabang kasaysayan ng pananakit, pisikal man o sikolohikal, para lang makasunod sa itinakdang pamantayan ng mga makapangyarihan.
Ang ikalawang nobela, na may subtitle na A Workplace Novel of the 22nd Century, ay binubuo ng mga pahayag o dokumentong tinipon mula sa workplace commission at pag-iimbestiga ng administrador ng kumpanyang Six-Thousand Ship. Sa pamamagitan ng payak na pakikipag-usap at pangungumusta sa mga katrabahong tao, hanggang sa makapulot ng mga kakaibang bagay sa labas ng kumpanya, ang mga humanoid ay dahan-dahang nagiging at higit sa tao.
Nang makaramdam ng mali sa pamamahala, nagplano ang mga manggagawa na mag-aklas sa kumpanya. Sa isa sa mga tagpo ng nobela, binigyan ng oportunidad ng administrador ang isang tao na magkaroon ng bagong posisyon: tagapagmanman o tagabantay sa mga humanoid na natututuhan ang mga salitang pag-iimbot (desire), pangungilila, at pagmamahal. Hindi ito nalalayo sa danas ng mga Pilipino na pamumulis at hayagang panre-redtag.
Kapwa nagsisilbing interogasyon ang dalawang nobela sa puwang ng kababaihan sa lipunan at kung hanggang saan ang kaya nating sikmurahin sa pananamantala mula sa relasyong manggagawa-employer. Nasa ubod ng dalawang nobela ang kasaysayan, ang ating sitwasyon: mula seksuwal na pang-aabuso, di-pantay na pagtingin sa kasarian, predator na creatives, hanggang sa surveillance sa trabaho at alienasyon sa trabaho. Ang dalawang nobelang ito ay paalala na mahalagang maging malay ang manunulat sa kaniyang pag-akda sa kasalukuyang panahon.
Suhay pa ni Alice Guillermo [5], historically situated ang sining at kung sakaling ipaglalaban ang “obhektibong distansya” sa pag-akda, babasahin natin ang kaniyang sining bilang produkto ng “pribilehiyong kondisyon ng pag-iral” ng isang manlilikha. May malay na pag-aangking muli sina Kang at Ravn sa espasyo ng mga naratibo ng mahahalagang danas sa kasaysayan ng sangkatauhan. Isang hakbang patungo sa pagsunog ng mga akdang katha ng mga nagwagi sa giyera, pagwasak sa literatura ng makabanyagang pagsusulat at pagbabasa sa kaakuhang Pilipino sa panitikan.
Sa huli, laging may potensyal ang panitikan para ilarawan ang rikit at krisis ng mundo. Nasa pinakahimaymay ng panitikan ang pagharaya ng mga kondisyon ng posibilidad at mga posibilidad ng kondisyon para sa mundong higit pa rito, para kalabanin ang tiraniya ng mga naghaharing naratibo/imahe/senyas sa ating kasalukuyang digmaan/kasaysayan/panitikan.
Hindi salamin ang panitikan, kundi pagtataya ng manunulat sa kaniyang sitwasyon. Ang kasalukuyan ay nagmamakaawa para sa pagbasa at pagkilos, pagsulat at paggalaw. Tinuturuan tayo ng panitikan na posibleng-posible ang isang mapagpalayang balang-araw.
Tala:
1. Nasa librong Writers in Politics: A Re-Engagement with Issues of Literature & Society. Inilimbag noong 1997 ng James Currey Publications.
2. Hango ang konsepto ng mga lihim na bayani sa lekturang Mga Lihim na Bayani ng Panitikan ni MJ Rafal para sa Komisyon sa Wikang Filipino nitong ika-28 ng Abril 2025.
3. Nasa monograph na Partial Views: On the Essay as a Genre in Philippine Literary Production. Inilimbag noong 2021 ng De La Salle University Publishing House.
4. Nasa sanaysay na Hermeneutics for our Time: From Where Do We Speak? sa librong Intertext. Inilimbag noong 1990 ng Kalikasan Press.
5. Nasa sanaysay na Art and Society: The Aesthetics of Committed Art sa librong Social Realism in the Philippines. Inilimbag noong 1987 ng ASPHODEL Books.