Ang Hagupit ng Hurricane Season (2017) ni Fernanda Melchor

May parametro ba sa lagim ng karahasang kayang sikmurain ng isang tao? Ito ang hamon sa atin ni Fernanda Melchor at ang isa sa kaliwa’t kanang magkasunod na sapak mula sa kaniyang dalawang nobelang sa ngayo’y tanging nakasalin sa Ingles: ang Hurricane Season (2020) at Paradais (2022). Gamit ang direkta't nakaliliyong prosa ni Roberto BolaΓ±o at reyalismo ni William Faulkner, naikuwadro ni Melchor ang Mexico bilang mikrokosmo ng ating mundo, ang lokus ng pagsisiyasat sa karahasan sa uri, kasarian, kahirapan, krimen, at marami pang malalagim na bagay na umiiral, malay man tayo o hindi, sa lipunan.

Katulad ng pamosong nobela ni Roberto BolaΓ±o, ang 2666, partikular ang episentrong parteng The Part About Crimes, isinalaysay din ni Melchor ang karahasang sentral sa kaniyang Hurricane Season nang walang preno—walang pasintabi sa mga mambabasa sa katotohanang bubulatlat sa kanilang kamalayan sa bawat lipat ng pahina’t pihit ng naratibo. Ang bawat lipat ng kabanata’y panibagong pagsipat sa malagim na mundo ng La Matosa ng Veracruz sa Mexico, may ligalig sa pagsunod sa bawat kabig ng malilikot na punto-de-bista ng mga tauhang residente ng nasabing lugar, at salamat sa ganitong estilo— na halos dyornalistikong moda ng pagsisiyasat sa nangyari—nasilip nating mga mambabasa ang talaban ng sarili at lipunan: nauunawaan natin ang lipunang ginagalawan ng mga tauhan at kung paano, sa kabilang banda, iniluluwal ng lipunang ito ang sikolohiya at aksyon ng mga tauhang sinusubaybayan natin; habang papalapit naman nang papalapit ang reyalisasyon sa aktuwal na nangyari at pagsasalaysay sa krimeng inihatid sa atin mula sa unang kabanata pa lamang: ang “Witch”—La Bruja—na natagpuan ng mga naglalarong bata na nabubulok sa kanal, tadtad ng saksak, may salungguhit ng gilit sa leeg.

Hindi na bago, sa kasamaang palad, ang ganitong karahasan sa Mexico, partikular ang krimen tungkol sa karahasan sa mga babae at bakla. Sa opisyal na ulat ni Ed Vulliamy, tinatayang 1,500 ang bilang ng feminiciados o femicides noong 2019 at 3,622 naman noong nakaraang dekada—taong 2010. Lubhang nakakaalarma ang numerong ito at ang iba’t ibang karahasang natamo ng mga kababaihan mula sa pagtortyur, paggahasa, abusong pisikal at mental na estado, pagsangkot ng mga bata at matatandang babae sa kartel ng droga, hanggang sa pagpatay. Ano’t ano pa man, ang karahasang sinasabing nagsimula pa noong 1990s at umiiral hanggang ngayon ay patuloy pa ring iiral hanggang hindi humihigpit ang implementasyon ng mga batas na mangangalaga sa batayang karaparan ng kababaihan; o hanggang hindi nababago ang estruktura ng lipunan at nababasag ang mitong bumabalot sa kasariang nagkumadrona sa pagluwal ng mahabang kultura at kasaysayan ng karahasang ito. Sa ganitong pagsipat din mauunawaan ang Hurricane Season bilang isang imbestigasyon at kritika sa dominanteng kamalayang nagluluwal sa kamalayang ipinagpapasa-pasa sa bawat salinlahi’t dahilan kung bakit patuloy na nagnanaknak na parang sugat ang karahasang ito sa kasaysayan ng Mexico. Kagaya ng nabanggit kanina, ang pagsubaybay sa punto-de-bista ng mga tauhan ng La Matosa ay sabay na pagkilala rin sa lipunang ginagalawan ng mga residente ng nasabing lugar.

Ang ganitong pagsiyasat sa lipunan ay pagkilala rin sa kultura at mitong tila langis na nagpapaikot sa makinarya ng ideyolohiyang nananahan sa matitigas na bungo ng mga tauhan ng nobela ni Melchor: sa nobelang ito, mahalaga ang depiksyon ng mga babae mula sa pagtanaw ng lalake at kapwa babae mismo. Kung hindi parausan at mahina, sumasandig pa rin sa liberal na pemenismo ang anumang pagtatangkang umigpaw sa dominanteng kapangyarihan ng patriyarkal na lipunan, dahil bigong basagin o tangkain man lamang na wasakin ang estuktura ng lipunang nagluwal sa mga puwersang ito at nagkakasya lamang sa pakonsuwelo at nakahahalinang ilusyon, tulad ng kaso ng tauhang si Chabela, kung saan pinapayuhan ang batang babaeng si Norma na angkinin at bawiin ang pagkababe sa pamamagitan ng pagkontrol sa magiging galaw ng relasyon (“tell that fuckwit out there to buy you some clothes,” at “you have to keep rounding up to squeeze any use out of them.”) Ang mitong ito ang sinisipat ni Melchora at ibinubuyangyang sa atin ng kaniyang nobela.

Ang ganitong kultura ng machismo at liberal na pemenismo sa La Matosa ni Melchor—at Mexico bilang kabuuhan—ang mahihinuha nating ugat ng problema hinggil sa karahasan at krimen sa kasarian. Lumalagos ang kritika ng awtor sa antas ng indibiduwal at inililinya ang trahedya bilang suliraning panlipunan, itinatanong: Ano-anong mga mito sa ating lipunan ang nakabaon sa ating kamalayan, kultura, kasaysayan ang mainam na muling idaan sa proseso ng interogasyon nang malamang nakadaragdag ito sa karahasang natatamo ng minoridad, at sa ganitong lohika, na dapat basagin at puksain. Dahil ang parehong mga mitong ito ang lumalason sa ating kamalayan at ngumangatngat sa ating mga utak at sikolohiya para paniwalaang normal lamang ang lahat at sa iba pang kaso’y igloripika ang karahasang ito: ang misogyny, male privilege, homophobia, at gender violence.

Kagaya ng lahat ng mahuhusay na nobela, ginigiba ni Melchor ang ating pagkilala sa mundo at kinukuwestiyong muli ang ating mga puwesto sa digmaan ng uri at kaniya-kaniyang pagsipat sa buhay sa pamamagitan ng interogasyon sa talaban ng sarili at lipunan. Higit sa lahat, kailangang paghandaan pa ang daluyong ng mga nobelang sisiyasat sa mga kultura at kasaysayan ng karahasang ito, para maunawaang araw-araw ay may kaniya-kaniyang La Bruja na matatagpuang nabubulok sa bawat kanal ng ating lugar, kaya kagyat na dapat puksain ang mga puwersang nagluluwal sa mga pangyayaring ito: isang insepsyon ng mga bangungot na nagsasabing ang internalisasyon ng karahasan, ang hagupit ng bagyo sa nobela ni Melchor, ay panahon na para tuluyang tuldukan.