Tungkol sa Kolonyalismo II



Taong 1833 nang ipinta ni Damian Domingo ang Un Indio Carretonero en Manila. Makikita sa nasabing pinta ang isang katutubong Pilipino at kaniyang alagang kalabaw. Sa mga taon ng pananakop, ang imaheng ito ay magiging batayan para ilarawan ang isang ideyal na Pilipino: pobreng piyesa ng kolonyal na kaayusan.
Sa kolonyal na arkibo, konsistent ang derogatoryong pagkuwadro sa ugali ng mga Pilipino. Noong 1720, wika ng prayleng si Gaspar de San Agustin, "tamad" at "walang laman ang utak" ng mga katutubo dahil sa kabiguang sundin ang mga gawaing kasiya-siya sa palagay ng mga dayuhan. Sa ikalawang hati naman ng 1800s, isang Alemang manlalakbay na nagngangalang Feodor Jagor ang magsasabing adik sa "katamaran at pagwawaldas" ang mga Pilipino, at mas nanaisin pang ilaan ang oras sa pagsasabong. Kaya hindi kataka-takang gagamitin ng imperyong Kastila ang anomang aparatong may potensiyal na hubugin ang pagkatao ng mga Pilipino sa kanilang nais na molde.

Sa katunayan, noong 1885, isinulat ng prayleng si Lucio Bustamante ang Si Tandang Basio Macunat. Kuwento ito ng isang di-pinangalanang tagapagsalaysay at ang kaniyang pakikipag-usap kay Basio Macunat sa bayan ng Morong (Rizal). Kinawiwilihan ng tagapagsalaysay ang "matutuwid na katwiran" ng huli tulad ng mga sumusunod: pagdarasal sa oras-oras; hindi pagpayag na mag-aral ang kaniyang mga anak ng wikang Kastila at mga kursong pang-akademiko tulad ng agham, pisika, medisina; at pagiging kuntento sa pagsasaka dahil, hindi umano, sila ay mga indio. Sa puntong ito, ang akda ay hindi inosente, si Bustamante ay nagsasalita para sa imperyo: malinaw ang hierkiya: ang dayuhan ay superyor, ang mga Pilipino ay kailangang maging kasangkapan ng kapital.

Sa agarang tugon din, reaksyon ang akda sa dumaraming bilang ng mga Pilipinong nakapag-aral at nag-aaral na noon sa loob at labas ng bansa. Sa mga salita ni Macunat (sa panulat ni Bustamante), ang mga indio na nahihiwalay sa kaniyang kalabaw ay nagiging "masama at palamarang tao sa Diyos at sa Hari." Sa punto na bumaba ang katutubo sa kaniyang alagang kalabaw, malaki pala ang tsansa ng sedisyon at pagpapataw na subersibo!

Sa kasamaang palad, hindi ata inasahan ng manunulat ang reaksyon ng mga Pilipino. Sa Aparato BibliogrΓ‘fico ni W. E. Retana, nakasaad sa kaniyang tala sa nobelang Si Tandang Basio Macunat ang resepsyon ng mga Pilipino sa nasabing akda: sa pagmumungkahing "[lumayo] sa anumang palatandaan ng sibilisasyon" ang mga katutubo ay nakapagdulot ito mga "Pilipinong kaaway" (isinalin ko sa Google ang sipi, paumanhin dahil hindi pa marunong ng wikang Kastila). Wala rin sa hinagap ng mga tulad ni Bustamanteng darating ang panahong bababa ang mga katutubo sa piling ng kasamang kalabaw para tumangan ng bolo at baril sa pagtubos ng ipinagkait na kalayaan ng Pilipinas. *** Ang Aparato BibliogrΓ‘fico ni Retana ay inakses sa dihital na koleksyon ng Miguel de Benavides Library and Archives ng UST.