Banyohay


Luma na ang pigura ng makata bilang masokistang naghihintay sa pagdating ng kaniyang mailap na musa. Upang, sa pag-iisang dibdib ng romantikong makata at ang kaniyang misteryosong raison d'Γͺtre, ay makalikha ng orihinal na akdang babago sa mundo. (Wala namang problema rito. Ang kasalukuyang panahon ay nagtutulak sa tipo ng mga pag-aakdang nagtutulak para kathain ang mundong higit pa rito.) Ngunit dahil sa mga pagbabagong hatid ng internet at teknolohiya, ang bagong manunulat, ang “henyong manunulat” ayon sa kritikong si Marjorie Perloff, sa pagsipi ni Kenneth Goldsmith sa librong Uncreative Writing, ay maaaring magtaglay ng kahenyuhang di-henyo. Yaong manunulat na hindi pumuposturang “tortured genius” kundi walang takot na masabihang hindi orihinal ni malikhain. Hindi kasi takot masabihang hindi sumusunod sa uso at sa pamantayan ng mga nasa trono ng kahenyuhan. Ang henyong di-henyo, ang “unoriginal genius,” ay mayroong makinasyong kaya ang “conceptualizing, constructing, [at] executing” ng mga ideya mula sa malawak na balon ng panitikan, kultura, o kasaysayan.

Kaya sa artikulong ito, susubukan kong magsulat ng orihinal na kuwento gamit ang di-orihinal na pamamaraan. Isang ehersisyo: pampatanggal ng buryo't badtrip bago bakbakin ang bakbakan kay bespreng Backlogs. Sa kuwento sa ibaba, pagtatagpuin ko sina Jojo sa kuwentong Utos ng Hari (ni Jun Cruz Reyes), ang batang tauhan sa Graffiti in the Toilet (ni Eka Kurniawan), at si Auxilio sa nobelang Amulet (ni Roberto BolaΓ±o). Kaya banyohay, paghiraya sa mundong higit pa rito, hindi galing sa pasilyo ng mamahaling mga gusali't de-erkong opisina ng mga pulitiko, kundi sa marumi't mapanghing banyong saksi sa araw-araw na paglabas-masok ng mga tao. Banyohay: kaotikong pagbabago, marumi at mapanghing pagbabago.

Ang pagbabasa ng isang teksto ay kahalintulad, ika ni Edel Garcellano, sa pagsabak sa isang digmaan. Ang mandirigma-mambabasa ay kailangang suungin ang “historico-materialist inscription of reality” sa kaniyang harapan, sa kuwentong hindi lang basta kuwento, sa tulang hindi lang tula, o sa nobelang hindi lang nobela kundi ang akdang isa lamang sa maraming nagtatagisa't naggigitgitang bungang-isip ng kasaysayan. Kaya may dating, para sa akin, o lalo sa aking naglalagalag sa “multong-modernidad” (Labayne) sa kalunsuran, ang mga sulatin sa cubicle ng banyo, sa mga dingding sa pisngi ng gusali, sa likuran ng kuba na upuan sa pampublikong bus, graffiti, banyulatin, mga sulating nagsisilbing panawagan para sa mga aktibista at banta para sa mga pulitiko kaya kaybilis ipatrabaho sa mga trabahador nitong pulis. Ang mga sulatin sa dingding ng lungsod ay isang ganap at buhay na panitikan. Pagbabalik sa tradisyon ng pagsusulat bilang komyunal na gawain. Sinasabi: galit din ako sa gobyerno. Sinasabi: pulis ang terorista. Sinasabi: kailangan mo ba ng saglit na kaligayahan sa nakabuburyong lungsod na ito?

Sa isang eksena, pagkatapos magpagpag ng ihi ni Jojo, takaw-mata ang mga salitang “what you’re holding now is the future of the fatherland” (Reyes) sa banyo. Agad niyang binitiwan ang kaniyang ari. Sa kanan ng banyo, “pasismo” ang nakasulat. Hindi niya sigurado kung ke Mrs. Character niya narinig o nabasa sa lumang libro sa kanilang silid-aklatang mas tahimik pa kesa sa simbahan dahil sa masungit na librarian. Hindi niya rin matukoy kung anong pasismo ang pinatutungkulan, yaong nasa loob ba o labas nitong banyo. O kung may pagkakaiba ba ang pasismo sa loob at labas ng banyo. “Wanted pen-pal” ang mga salitang huli niyang makikita bago bulabugin ang pag-aagam-agam ng isang marahang katok. Apakah ada orang? Sudah kencing. Di niya maintindihan. Baka naiihi na rin. Natagalan ata si Jojo sa pagtitig sa mga nakasulat. Pagkalabas, mayroong batang tauhang agad-agad pumasok. Tahimik lang na nagbabawas ang bata. Nagsusumigaw ang mga salita sa dingding. Me pulang marker na ginamit para ekisan ang salitang “LABAN” at “putang’ina n’yo” (Reyes). Sa salitang pen-pal, naalala niya ang sariling sulatin sa banyong matatagpuan sa kanilang bayan, mas agresibo nga lang ang sa kanila, naisip ng batang bida: “I like your red lips, as red and as hot as the spirit of a wild animal” (Kurniawan). Lahing magkapatid nga talaga, naisip niya. Bago lumabas, dahil may narinig na siyang katok, kinuha niya ang panulat sa kaniyang bag, inekisan din, gaya ni Jojo, ang salitang “fatherland” at isinulat: “I have more trust in the walls of toilets” (Kurniawan). Pasismo sa fatherland, kapwa naisip nina Jojo at ng batang tauhan.

Mayroon nga talagang Diyos at kakatawang banyo pa ang magiging lunan para patunayan ang mirakulong ito. Dahil paglabas ng batang bida sa banyo, pag-time out sa eskuwelahan, saka ang pagpasok ng mga sundalong irireyd ang kuta ng mga, di umano, peligrosong kabataan. Ang hindi alam ng mga saksi, ang batang bida lamang ang tanging nakakaalam na bukod sa mga mag-aaral, may misteryosong matandang babae ang nakulong sa loob ng paaralang okupado na ng mga sundalo. Hindi makalabas sa banyo, si Auxilio, ang ina ng panulaang Mehikano. Bakit pinapayagang makapasok ang mga sundalo sa lugar na nakalaan para turuan ang mga batang mag-aaral na magtanong at magduda? Ayaw ng estado sa taong nagtatanong at nagdududa. Iyong mga anak ng taong nagtanong at nagduda, kasalukuyang nagpapakita bilang mga aparisyon, sa banyo, sa harap ni Auxilio: “a mob of children marching into an abyss and singing a song of war and love” (BolaΓ±o), mga totoong taong nabuhay mula sa totoong mga salita, sa “parliament” at “pasismo” at “fatherland” sa banyo. Itong mga salita, hindi gaya ng taeng kayang-kayang i-flush para burahin sa kasaysayan, ang galit at ngitngit at buryo ng taong dapat na magbabawas lang sana ngunit naglaan ng oras para maglabas ng sama ng loob, ng totoong pakiramdam ng gutom at hirap at pagod. Isang piraso ng anekdota: isang buhay na panitikang burahin man sa kasaysayan ay patuloy at patuloy lamang na maisusulat at maitatala.