Mumunting Agam-agam

Kung di lang ganito ang mundo, kung di na natin kailangang mag-isip ng nakasasakal na mga kung-sakali, ani ng tauhan sa kuwento ni Cristina Rivera Garza, matapos mapanuod ang balita tungkol sa libo-libong babaeng biktima ng karahasan sa Mexico: “had they been saved, had they survived” (377), paniguradong katabi silang nanunuod sa telebisyon, siksikan ngunit ubod ng kumportable, nakikitawa, nakikipagpaligsahan sa paghula ng pangalan ng produkto sa patalastas.

Sa kabilang kuwarto, nagtatanong ang bunsong tauhan sa kuwento ni Jun Cruz Reyes: ano ang sasabihin ng nanay ni Putol, ng di umano’y kriminal na tinambangan ng sindikato, sa puntong makita ang lasog-lasog na katawan ng binanggit na tauhan. Ang minamahal na anak na noong bata’y ni “hindi pinabayaang dapuan ng lamok” ngunit heto ngayon, hindi na makilala ng mga kakilala, silang mga pinilit pa ring tingnan ang malagim na sinapit ng pobreng tauhan. Ang agam-agam ng tauhan para sa nanay ng biktima: “[Saan ako] nagkulang? Saan nagkamali? Ang ibang [di umano’y] kriminal, may Nanay din kaya sila? (17–18).”

Sinong tao ang walang inay? Anong grabedad ng dahas ang kinailangan, mula sa kasalukuyang kaayusan, upang mapigtas ang mahigpit na ugnayan ng ina sa kaniyang anak? Sa aking isip, ang nanay ni Putol, may hawak-hawak na meryenda, mainit na turon, o tinapay na kakahango lang sa bakery, binili doon sa labas, ipapamahagi sa mga anak na winala’t naririto pa, silang nagpapatuloy ilansag ang laban para sa mundong wala nang mumunting agam-agam.