Sangkaterbang Sanaysay

Isang eksena: luluwas ka na naman patungong Czech Republic. Puno ang bagahe ng sangkaterbang sanaysay at lakas ng loob na lalo pang pinatatatag ng mga mahal sa buhay. Isang pangako ang iniiwan mong ngiti: agad kang babalik. Isang pakiusap na ring huwag silang mag-alala, magdadala ka ng pasalubong na halik, sasalubungin mo sila ng yakap sa iyong pag-uwi.

Ang Czech Republic na ito ay hindi bansa sa mapa. Isa itong bansang matagal nang binuo ng kolektibong biro ng mga guro tuwing sasapit ang panahon ng pagwawasto sa mga awtput ng mga mag-aaral. Pansamantalang pagluwas at paglayo sa mga minamahal. Pagpuputol ng sariling mga kamay at paa. Kung magkakaroon man ng oras para sa sarili, hindi ito gugugulin sa pamamahinga kundi sa sangkaterbang papel na kailangang basahin, unawain, at markahan.

Ngunit ano nga ba ang magagawa ng guro?

Sa isang sistemang mas pinahahalagahan ang kantidad kaysa kalidad, hindi nakapagtatakang ang dala-dala ng guro ay laging mabigat. Kasama ng sangkaterbang sanaysay ang iba pang pasan-pasan niyang tunggalian: kakarampot na sahod, patung-patong na gawaing administratibo, at pabago-bagong kurikulum na bihirang isaalang-alang ang mismong kalagayan ng nagtuturo. Paalala nga ni Adam Kotsko sa Neoliberalism's Demons, ang bawat kritika ng guro sa akademya ay hinugot mula sa kaniyang anekdota. Hindi hiwalay ang pagsusuri sa sistema sa araw-araw na karanasan ng guro. Sa bawat gabing ginugugol sa pagwawasto ng mga papel, sa bawat dagdag na trabahong hindi naman kinikilala bilang paggawa, at sa bawat pag-aangkop sa bagong polisiyang ipinapataw mula sa itaas, naisasalaysay ang tahimik na kasaysayan ng paggawa sa ilalim ng kasalukuyang kaayusan.

Sa Israel, halimbawa, ang edukasyon ay nakatuon sa pagsulong ng rasistang historikal na naratibo ng mga Zionistang bumubura sa kasaysayan, kultura, at buhay ng mga Arab at Palestinian. Sa Pilipinas, ang edukasyon ay naglalayong magprodyus ng ideyal na manggagawa. Nangunguna rito ang Commission on Higher Education (CHEd) sa pagtanggal ng mga GE sabjek tulad ng kasaysayan, humanidades, agham panlipunan, at panitikang naglalayong turuang mag-isip nang kritikal, pagdudahan ang nakasanayang mga katotohanan, at makapag-ambag sa produksyon ng kaalaman sa loob at labas—lalo na sa labas—ng paaralan.

Hindi maihihiwalay rito ang interes ng malalaking korporasyon. Higit nilang kailangan ang mga manggagawang masunurin kaysa mapanuri, ang mga empleyadong handang sumunod kaysa magtanong. Mahusay kung mahusay, ngunit sa antas lamang ng indibiduwal na pagganap. Ang mithiin ay hindi kolektibong pag-unlad kundi walang tigil na kompetisyon. Ang bawat isa ay hinihikayat na tingnan ang kapwa bilang kalaban sa promosyon, sa posisyon, at sa pagkakataon. Itong ganitong mga empleyado ang makapagpapataba sa bulsa ng mga manedyer sa deerkon nilang opisina habang pakape-kape lamang habang ang mga empleyado, pinagbabayad pa ng tubig na iniinom nila sa trabaho!

Ngunit ano nga ba ang magagawa ng guro?

Mula Israel hanggang Pilipinas, kailangang labanan ang pasistang pedagohiya ng kasalukuyang panahon. Kailangang tanungin ang mga sarili: anong uri ng tao at uri ng lipunan ang hinuhubog ng kasalukuyang edukasyon? Marahil, ito ang dahilan kung bakit hindi dapat tuluyang katakutan ang metaporikal na Czech Republic. Sa bawat pagluluwas ng guro, hindi lamang sangkaterbang sanaysay ang laman ng kaniyang maleta. Naroon din ang posibilidad na sa gitna ng daan-daang papel ay may isang mag-aaral na nagsimulang mag-isip nang higit sa hinihingi ng rubriks. May isang talatang tumangging ulitin ang nakasanayang sagot. May isang sanaysay na naglakas-loob magtanong sa mga ipinapalagay na katotohanan. Sa panahong ang edukasyon ay lalong pinamamahalaan ng mga sukatan ng produktibidad, lohika ng neoliberalismo, maging ng artipisyal na intelihensiya, lalo ring nagiging mahalaga ang papel ng gurong nakakakita ng higit sa abot-tanaw ng tamang gramatika at wastong estruktura.

Walang puntos sa algoritmo ang pag-aalinlangan, ang malasakit sa kapwa, ang pagkamalikhaing sumusuway sa dikta ng kasalukuyan, at ang unti-unting pag-usbong ng kritikal na kamalayan. Laging magtitiwala at maniniwalang mayroon pang mumunting bakas ng humanidad na patuloy na umaalpas sa pasistang pedagohiyang naghahangad gawing makina ang pagkatuto at pabrika ang paaralan. Ang puso ng guro ay talagang mabigat dahil dala nito ang kaniyang pangarap at aspirasyon ng kaniyang mga mahal sa buhay: isang hinaharap na nakabubuhay para sa lahat.