Book Log: Agosto 2026

Noong nakaraang mga buwan, mula Enero hanggang Hulyo, nakapagbasa ako ng tatlumpu't limang libro. Ngayong buwan ng Agosto'y lima naman. Sumatutal, nakaka-39 na libro na ako sa pagpasok ng ikalawang hati ng taong 2026. Heto ang mga librong nabasa ko:


Agosto (4):

36. Noli Me Tangere (1887) ni JosΓ© Rizal (salin ni Harold Augenbraum)
37. Tell Me How It Ends: An Essay in Forty Questions (2016) ni Valeria Luiselli
38. Lost Children Archive (2019) ni Valeria Luiselli
39. No Archive Will Restore You (2018) ni Julietta Singh

Mas pangangailangan ang naging moda ko sa pagbabasa ng salin ni Augenraum sa klasikong nobela ni Rizal na Noli Me Tangere. Ilang buwan ko rin itong binasa't napagpasyang basahin nang tuloy-tuloy at tapusin sa pagpasok ng Agosto, ang Buwan ng mga Wika. Nga lang, maiinis ka rin. Napakalayo sa reyalidad ng salin. Sa isang talakayan sa gradwadong pag-aaral, mapapansin ang malay na paglalarawan ni Augenraum kay Padre Damaso bilang "herculean" imbes na, kung si Marcelo H. Del Pilar ang magpapaliwanag, bonjing na abusado. Sa ganito gumagana ang mekanismo ng pagsasalin, kaya masarap din pag-aralan. Ano ang malay at di-malay na pagtitimbang ng tagasalin sa kaniyang muling pagkatha ng teksto? Digmaan ng signipikasyon pa rin. Tagakunsinti o mala-Oedipal na pagpaslang, pili lang sa dalawa, blue pill at red pill.

Sa mayorya ng buwan ng Agosto, binasa ko ang dalawang libro ni Valeria Luiselli. Demistipikasyon sa American Dream, paghimay sa sapot ng sanhi't bunga ng digmaang kinahaharap ng bawat batang nais tawirin ang peligrosong paglalakbay mula Mexico patungong Amerika, ang sagad-sa-butong rasismo ng mga mamamayan, at iba pang ibang tinalakay ni Luiselli sa maikling libro ngunit nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap ng bawat migrante ang pinapaksa. Ang dalawang libro ay mabisang praymer para maunawaan ang pagkakaroon ng ICE, malagim na emerhensiya ng isang pasistang presidente, at ang malagim na dahilan ng bawat batang nais takasan ang malagim na reyalidad ng Latina Amerika para lamang salubungin ng isa pang malagim na reyalidad sa Amerika.

Mahalagang proyekto sa pagdistrungka ng maka-Kanluraning nosyon ng arkibo ang sinusubukang ipaliwanag ni Singh. Ang ating katawan, aniya, ay isa ring buhay na arkibo ng pagtanggap at pagsalunga sa kasalukuyang kaayusan.

Ngunit pilit ang pagbabasa ng ito. Pagbabasa na iniisip na sana, nagpapahinga na lang ako, dahil pagod sa trabaho para sa kakarampot na kita. Hiling ko, gaya ng lahat, ng isang maalwang hinaharap para sa ating lahat. Isang mundong lubhang higit pa rito na maaari na nating basahin ang mga nakatambak na libro nang hindi natatakot na bahain, barilin ng pulis, pasabugan ng mga armas ang mga kapatid natin sa karatig-bayan at bansa.