Hinggil sa Panahon

Noong ika-17 siglo sa malawak na lupain ng Visayas, nagulat ang heswitang si Francisco Alcina nang sundan ng kaniyang tingin ang nakatindig na hinturo ng isang katutubo matapos tanungin, habang nakikipagkuwentuhan sa huli, kung kailan ang susunod na anihan. Sa malayong abot-tanaw, kung saan unang sumisilay ang araw sa umaga, kung saan tinatapik ng mga ulap ang braso ng nahihimbing na bulubundukin, sinusubukang ipahayag ng katutubo ang lugar na dinadapuan ng mga “papauwing ibon sa kanilang tahanang karatig-bayan”—ibig sabihin, sapat na ang sustansya ng lupa dulot ng nag-aagaw na init-lamig, tapos na ang tag-ulan, umuuwi na ang mga ibon, kaya maaari nang itanim ang mga gulay na angkop sa panahong ito.

Bukod sa armas na sumupil sa insureksyon ng mga katutubo, mapa na kumwadro sa hanggahan ng bansa, isa sa dinala ng mga dayuhang mananakop sa Pilipinas ang kalendaryo: ang marahas na konsepto ng oras. Sa prekolonyal na lipunang Pilipino, ang “pagbasa sa oras” ay “pagbasa sa pabago-bagong kapaligiran” (Mojares). Ngunit ang pagdating ng mga dayuhan ay indoktrinasyon sa “linyaridad ng kasaysayan” (Trouillot). Ang mga datos ay absoluto, ang kasaysayan ay may iisang mukha, ang nangyari ay talagang nangyari—kahit pa mahalagang tanungin kung bakit nangyari ang nangyari? Sino ang nagtakda ng dapat nating maalala, sino ang sinadyang kalimutan? Sa pagdating ng kalendaryo, ang oras at panahon ay tila mga ispesimeng nakakahon sa salamin, hindi maaarino masalat, hindi maaaring damhin.

Sa isla ng Panay, noong ika-16 siglo, sa pag-aaral ni Miguel de Loarca, ang panahon ay umiinog sa iba’t ibang mukha ng buwan sa gabi. Ang Manalulsul ay panahon ng pag-aani at ang Yrarapun ay pagsinop ng mga gintong palay. Kapwa hindi maunawaan nang lubos nina Alcina at Loarca ang dinamikong lokal na reyalidad ng mga Pilipino. Dahil ang segundo, oras, panahon, at ang mga taon para sa mga dayuhang ito ay nagkakaroon lamang ng bisa kung iuugnay sa pagiging produktibo’t pagkamal ng salapi. Ang pangangailangan sa “sinkronasyon” ng oras ay dulot ng pagsinop sa “ekonomiko’t panlipunang aktibidad” ng lumalawak na populasyon (Mojares). Ang iba’t ibang lalawigan ay kailangang ipaloob sa iisang siklo ng panahon sang-ayon sa produksyon sa sakahan, pagawaan, at pagtungo sa simbahan at kumbento.

Ang laksa-laksang pagaspas ng pakpak nitong mga papauwing ibon, kung gayon, ay mahinang-mahinang tunog sa simponyo ng ating kasalukuyang panahon. Ang panahon kung saan itong tikatik ng segundo ay sumusukat sa kakayahan nating mga empleyadong kumamal ng salapi para sa makakapangyarihan, ang pag-time-in-time-out, ang paghahabol sa oras ng pasok upang hindi kaltasan ng sahod, ang oras ay isa nang dambuhalang halimaw, malayo sa komyunal na alaala ng ating mahinahong nakaraan.