Kaninong Imahinasyon?
Hindi na bago sa ating mga mambabasa ang pagpapakahulugan sa panitikan at pagbabasa ng akda bilang bintanang durungawan ng iba’t ibang mga tanawin at mundo. Saan ka man abutan ng udyok na magbasa—sa kumportableng kama at upuan, o siksikang dyip o punuang bus o umaandar na tren, hanggang paghihintay sa terminal—may potensyal na kapangyarihan ang pagbabasa na ibalik ka sa nakalipas na panahon, ipakita sa iyo ang hinaharap, ibato ka sa iba’t ibang alternatibong reyalidad at uniberso. Kung kaninong reyalidad at uniberso, kung sino ang makikinabang o kung sino ang panalo at talo sa prosesong ito ng pagbabasa at paggalugad sa inihahaing imahinasyon—ito ang banging naghihintay sa bawat mambabasa sa bawat pagtatapos ng kuwento.
Para kay Northrop Fyre, pag-edukeyt ng imahinasyon ang silbi ng panitikan. Sususugan ito ni Robert Tally Jr. (sa librong For a Ruthless Critique of All that Exists: Literature in an Age of Capitalist Realism) at sasabihing may potensyal ang panitikan para palakasin at pakilusin ang mambabasa. Sa anong senyas at anyong pampanitikan tumutuguon ang manunulat: sa pag-asang kayang tubusin ng halagahang unibersal ang sigwa ng panahong ito? Tekstong pumapanig sa terorismo ng estado at henosidyo? Tekstong bumabandera bilang produkto ng pang-indibiwal na ekspresyon pero ang totoo, nakikiayon at nakikinabang sa kasalukuyang kaayusan o sa kasamaang palad, tekstong di-malay na kinakasangkapan na ang pagkadi-malay para palalain pa lalo ang sigwa ng ating panahon. Kung gayon, mahalaga ang mga akdang binibigyan ng kulay at talas ang ating imahinasyon.
Mahusay na halimbawa rito ang librong Narkokristo, 1896 (inilimbag nitong 2025 lang ng Avenida Books) ni Ronaldo S. Vivo Jr. Sa pamamagitan ng pagkatha ng reimahinasyon/alternatibong kasaysayan ng Pilipinas sa taon ng himagsikan, nabigyang-katarungan at katuwiran ng manunulat ang impetus at halaga ng paggigiit sa karapatan ng mga Pilipino. Nang matunghayan ni Isaak, sa tulong at gabay ni Domeng, ang karahasan at kamatayang sinasapit ng mga pobreng kababayan, naisip ng nauna na mayroong mali sa mga pangyayari at kailangang matuldukan ito; tatanungin ni Isaak ang sarili: “Bakit may buhay na itinuturing na mas mababa sa iba?” Sa ganitong pangyayari magiging makatuwiran ang paghihimagsik nina Isaak at Domeng kina Padre Blas at Dr. JΓΌrgen, at pagtugon sa buong reyalidad na nagpahintulot na mangyari ang nangyari sa kasaysayan ng paghihirap ng mga Pilipino.
Ang pagsusulat ay produkto ng himutok sa puso. Dahil may imbalanse sa distribusyon ng ginhawa sa pagitan ng mayaman at mahirap, nagiging daan ang pagsusulat para sa pagtatama ng nakabubugnot na reyalidad. Kumakatha ang tao para sabay na sabihing may mali sa panahong ito at may mundong higit pa rito. Sa panahong nagdarahop ang mambabasang Pilipino sa mapagpalayang imahinasyon, sabi nga nina Arlo Mendoza at Tilde AcuΓ±a (sa zine Terorismo ng Texto at ang Manunulat sa Panahon ng Sentimentalismo nitong 2017), malaking oportunidad ang panahong ito ng kaguluhan at kalituhan para maging “hinog ang manunulat” at umakda ng mapangahas na mga akda na hahamon sa “kaayusang neoliberal at kalayaang iilan lang ang tumatamasa.” Kaya lalong mahalaga ang pagturing sa pagsusulat bilang ebalwasyon ng panahon: kailangang gamitin ng manunulat ang wika, ang materyal na mga senyas, para magpabuhay at magpatotoo sa kamalayan at magdistrungka ng kasaysayan at reyalidad.
Imahinasyon ang krudo ng aksyon at kailangang humiraya ng mga bagong naratibo ng pagtubos sa ating mundo.