Malayang Klasrum
Ang pagturing sa guro bilang tanging bukal ng kaalaman sa loob ng klasrum ay isa nang lipas na ideya. Hindi na ito bago sa atin, samot-saring mga pelikula at literatura ng nagdaang panahon ang nagkumadrona, o tumulong sa palagiang pagluluwal, ng imahe ng guro bilang isang katakot-takot, masungit, at awtoritaryang may kamay na bakal. Ang nangyayari tuloy, nababansot ang utak ng mga mag-aaral dahil sa maya’t mayang pagtagpas ng dapat sanang tuloy-tuloy na paglago.
Kuwento ko lang: naalala ko ang sabi ng isa kong propesor, ang pagiging guro ay isang pagganap. Ang guro, sa kasagsagan ng kaniyang pagtuturo, ay nagiging isang aktor/aktres na nagtatanghal at ang silid-aralan ay isang umaatikabong teatro. Ngunit sa tradisyunal na dula, ang mga manunuod ay pasibong nanunuod lamang, tinatanggap nang walang pag-iisip, pagkukuwestiyon, at pagtatanong ang namamasdan sa entablado. Kagaya sa isang tradisyunal na paraan ng pagtuturo sa isang klasrum, ang guro-nagtatanghal ay nagpapamudmod ng kaalaman at tinatanggap ito ng estudyante-manunuod nang walang kaabog-abog.
Ngunit ang panahong ito ay panahon ng pagkukuwestiyon ng mga bago at mahahalagang tanong. Panahon din ito ng muling pagkuwestiyon sa mga bagay na ipinagpapalagay at tinatanggap nating tama ngunit nasa kabilang bahagi pala ng barya mahahagip ang tanglaw ng retribusyon at katubusan.
Mabubuwal lamang ang kadilimang bumabalot sa hanay ng pasibong estudyante-manunuod, tungo sa hangaring emansipasyon, kung mayroong “produksyon ng kamalayan” ang teatro-klasrum (sang-ayon kay Jacques RanciΓ¨re). Magbubunga ito ng mga emancipated spectator (kay RanciΓ¨re ulit) o yaong mga taong may sariling kakayahang mag-isip ng bagong mga kahulugan, tumimbang gamit ng sariling opinyon, at humiraya ng makahulugang kislap-diwa. Ang mga mag-aaral, sa ganitong pagpapalagay, ay hindi lamang mga pasibong tagatanggap ng impormasyon kundi mga aktibong kalahok sa proseso ng kolektibong pagkuwestiyon sa lumang mga naratibo at paglikha ng bagong imahe ng mapagpalayang mundo.
Ano pa man, hindi na bago ang kuwento ng marahas na panunupil sa kakayahang mag-isip ng mga mag-aaral. Kamakailan lamang, naging usap-usapan ang pandarahas, gamit ng burukratikong batas at atas ng kapangyarihan, ng Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela sa mga mag-aaral na nais lamang magpahayag ng bagong mga ideya. Umaayon ito sa makalumang pagtingin sa pagtuturo at pagiging estudyante, at higit sa lahat nag-iiwan ng mapanghamong tanong hinggil sa bisyon ng edukasyong nais nitong ipamahagi sa kasalukuyan at hinaharap.
Bilang panghuli, marapat at mahalagang itanong: para kanino ang iyong edukasyon? Para kanino ang iyong pagtuturo? Mga tanong ito na mapang-usig ngunit mahalaga, mga tanong na maghahawan ng daan para sa pag-asa at oportunidad. Kung titingnan ang silid-aralan bilang isang malayang klasrum, isang espasyo kung saan malaya ang bawat isang magkaroon ng kontemplasyon at pagsipat sa lipunan, laging magbabadya ang posibilidad na mabago ito. Ang malayang klasrum ay kumikitil sa pambabansot na ginagawa ng makalumang pagtuturo.