Maliliit na Karahasan
Ilan sa mga sapantaha ng iskolar, sa tuwing pinag-uusapan ang kawalan ng sapat na teksto para pag-aralan ang panitikan ng prekolonyal na lipunang Pilipino, ay ang hayag na demonisasyon ng mga dayuhang prayle sa kaalamang-bayan ng iba’t ibang pangkat-etniko. Bilang halimbawa, sa isang anekdota mula sa librong Relacion de las Islas Filipinas, limbag noong 1604, ikinuwento ng isang prayle, si Pedro Chirino ang kaniyang sinunog na golo, isang libro ng mga salamangka na isinuko ng isang binata sa harap ng pari. Ang libro’y nakasulat sa mga berso, sa ritmo’t musikalidad na minsang pinagsaluhan ng kaniyang mga magulang at katuwang sa komunidad. Ano ang kaniyang pangalan? Ano ang bigat ng kabang dumagan sa kaniyang dibdib nang mabalitaang dumating na sa kanilang lugar ang epidemyang nanalasa na rin sa mga karatig-lugar, sa anyo ng pari na ito, na magsasabing ang kanilang wika ay wika ng demonyo, ang kanilang mga awit at kuwento ay mga awit at kuwento mula sa impyerno?
Noong sinabi ni Kenneth Goldsmith na “the world is full of texts, more or less interesting; I wish to add any more,” ang mga teksto ng lumang panahon ang naisip kong puntahan at (muling) basahin. Doon, sa harap ng malalang kolonyal na karahasan, dito, gusto kong isiping ako’y isang saksi, hindi isang “authoritative voice” sa mga salita ni Gita Labrador. Ang muling pagbasa sa kolonyal na arkibo, ang pagsulat bilang bahagi ng pagdududa sa kasalukuyang kaayusan, bilang paghiraya sa mundong mas higit pa rito’t ating kailangang-kailangan, ay tumutugon sa sariling bersyon ng necrowriting ni Cristina Rivera Garza, yaong “writing practices that both bear witness and resist the violence” ng estado. Dahil mula noon hanggang ngayon, patuloy pa rin ang siklo ng paninikil sa ating mga buhay.
Sa isang sanaysay ni Resil Mojares, mababasang noong ika-19 ng Nobyembre, taong 1609, bumangon sa pagkakahiga ang isang binata ring nagngangalang Miguel Ayatumo, maaga siyang nagising para tulungan ang iba pang kabataan sa kumbento para mag-igib ng tubig. Mamasa-masa pa ang daan dahil sa hamog, nasa agaw-dilim pa lang ang liwayway ng araw kaya hindi makita ang daan, ito siguro ang mga dahilan kung bakit, pagbaba sa ilog, nadulas at tumama ang dibdib ni Miguel sa isang namamahingang bangka. Ang kaniyang huling mga salita, ayon kay Mojares, ay ang pangalan ng Panginoon. Sa kasamaang palad, wala tayong paraan para alamin ang huling mga imaheng rumehistro sa isip ng binatang si Miguel bago bawian ng buhay. Ang kaniyang mga magulang, ang maliliit niyang kapatid kung sakali, ang mga minamahal na ate’t kuya kung sakali, ang mga kaibigang naiwan sa Bohol bago tumungo sa kumbento ng dayuhang prayle, bilang bahagi ng pagpapalit-relihiyong mauugat sa mas malawak na aparato ng kolonyal na imperyo.
Dahil ang kasaysayan ay isang mahaba’t tuloy-tuloy na naratibo ng pagkabulid at pagpupunyagi ng mga tao sa ilalim ng nag-iisang kaaway, gusto kong isiping marahil ay nagkasalubong sila sa isang makitid na daan. Marahil ay nakaupo sila sa lilim ng isang punong hindi na natin matutukoy kung saan. Si Miguel, may dalang sisidlan ng tubig, at ang binatang hindi natin kilala, kipkip ang librong isusuko bilang pantubos sa buhay na hindi pa gustong matuldukan. Baka magtanong si Miguel kung saan nanggaling ang mga salitang nakasulat sa libro. Baka ikuwento ng isa kung paano ito binibigkas ng kaniyang mga magulang, kung paanong may mga salitang kailangang awitin at may mga salitang hindi maaaring sabihin sa harap ng lahat. Baka wala ring pag-uusapan ang dalawa. Hindi lahat ng pagtatagpo ay nangangailangan ng mga salita. Sapat nang maunawaang buhay sila sa isang komunidad na umaaruga sa kanilang mga salita’t pangarap. Ang kanilang buhay, humuhulagpos sa maliliit na talababa sa kolonyal na arkibo, nagpupumilit, makulit na makulit, tumititig sa atin, lumalapit, nakaakbay, kasama na, mula ngayon, sa ating pagsuong sa hinaharap.
