Naniniwala pa rin ako sa kapangyarihan ng salita. Nananalig sa potensyal ng panitikan. Ito ang naisip ko matapos muling ipaalala ng nobelang Noli Me Tangere (1887) ang malupit na hagupit ng opresibong katotohanan. Ang pagkukuwento ni Elias, bilang partikular, sa sinapit ng isa sa mga ilaw ng tahanan sa kanilang angkan. Ang pugot na ulo ng kaniyang anak ang huling imaheng rumehistro sa utak ng nanay bago ito patayin ng estado. Ang hirap sa paglunok matapos maunawaang nangyari, nangyayari, at mangyayari pa ito sa hindi malayong panahon. Ang kirot sa pag-unawang ang ating mundo’y patuloy na nagluluwal ng ganitong mga tagpo. At napakalagim ng katotohanang ito. May ganito ring bigat sa kuwento ng paghahanap ni Julio Madiaga kay Ligaya sa Maynila. At kung bakit, para sa akin, patuloy pa ring hinahabol ng anino ng mga patalim si Julio sa makipot na daan ng Maynila na iniilawan lamang ng paltik ng kislap mula sa mga kutsilyong nasisinagan ng bilog na bilog na buwan. At kung bakit, tulad ng mga kapatid nating Indones sa karatig-bansa, sa nobelang Lelaki Harimau (2004) ni Eka Kurniawan, ang lahat sa atin ay may kani-kaniyang tigreng natutulog sa hawla nating tadyang, handang sakmalin at punitin ang laman ng sinumang babastos sa ating mga mahal sa buhay: gaya ni Ligaya, gaya ni Maria Clara, at hanggang sa mga babaylang tinugis sa kanilang mga komunidad sa prekolonyal na lipunang Pilipino. Gusto kong isiping ang ating mga magulang ang pinakamasugid na mambabasa ng panitikan. Dahil ang salita bago maging salita, ang nobela bago maging nobela, ang tula bago maging tula, ay nakaguhit na sa kanilang mga palad, sa makapal na kalyo ng kanilang mga daliri, sa kurbadong likod, nananakit na bahagi ng katawan, hapdi ng mata sa pawis at luha, ang lalim ng kanilang mga buntonghininga.