Ang Multo sa Ubod ng Teksto


Ang lahat ay teksto. Mula sa mga galaw, paraan ng pag-iisip, hanggang sa mga bangungot at pangarap ng tao—lahat ay maaaring basahin bilang teksto. Sa ganitong pananaw, ang pagbabasa ng teksto ay hindi lamang pagsisiyasat ng mga salita kundi pagbubuklat din ng kasaysayan. Ayon kay Fredric Jameson, ang panitikan ay isang dakilang alegorya ng kasaysayan; at ang kasaysayang ito ay nagluluwal ng iba’t ibang kaganapang nilulubid ng isang malaking naratibo: ang pakikibaka ng mga tao para sa sariling kasarinlan at karapatan. Kagaya ng kasaysayan na nagsisilbing tanghalan ng tunggalian, ang panitikan ay nagsisilbi ring lugar ng labanan. Bawat manunulat, mambabasa, at kritiko ay may kanya-kanyang armas na ginagamit upang hamunin o tanggapin ang mga ideolohiya at pagpapahalagang nasa himaymay sa loob ng bawat teksto.

Ang hamon, ayon kay William Dowling at bilang tugon sa teorya ni Jameson, ay ang masinsing paghahanap sa umiiral na hibo o subtext—ang kasaysayang hindi hayagang nakikita ngunit palagiang naroroon, bumubulong, gumagambala. Ang kasaysayan ay tila multong umaalingawngaw ang palahaw sa loob ng teksto, nagmamakaawang huwag kalimutan, nakikiusap na mabigyang hustisya, isang bangkay na walang mukha’t nagtatanong kung ano ang kaniyang pagkakakilanlan, miminsang naging biktima ng tokhang, huwag daw pakikialaman, huwag daw tutularan. Sa mga sulatin ni Karl Marx, ang multong ito ay dumadalaw sa panaginip ng lipunan bilang historikal na bangungot, umaawit ng mga melankolikong salmo ng ating kolektibong represyon.

Minumulto tayo ng teksto. Multo ni Julio Madriaga na tumatakbo pa rin hanggang ngayon. Multo ni Ligaya Paraiso na naghihintay pa rin sa kaniyang iniibig. Multo ni Crisostomo Ibarra, tangan pa rin ang nitrogliserina, laging handang sumabog. Ngunit sa halip na komprontahin ang mga multong ito, mas lalo pang lumalayo sa masa ang panitikan. Ayon sa monograp na Partial Views ni Conchitina R. Cruz, maituturing na isang uri ng “komplisidad” ang mga tekstong unti-unting nagiging pribado at pampropesyunal, lumalayo sa ubod ng panitikan bilang gawaing pangkultura at nagiging bagay na nabibili na lamang ng iilan.

Ang bangkay—ang multo ng kasaysayan—ay isa ring teksto. Hamon para sa ating tukuyin kung sino ang nagtarak ng punyal sa bangkay na kumakatok sa ating mga pinto. Sa paglayo ng panitikan sa masa at kasaysayan, mas lalong lumalakas ang mga multong nais nating palayasin. Sa harap ng multo, kailangan ang ritwal. Sa harap ng katahimikan, kailangan ang interbensyon. Ang kritisismo ay ang anyo ng interbensyong ito.

Ayon sa librong The Function of Criticism ni Terry Eagleton, ipinanganak ang kritisismo — o ang bersyon nito sa Kanluran—mula sa pangangailangang patatagin ang kaisipang burges at palawakin ang hanay ng gitnang uring naniniwala sa unibersal at ideyal na anyo ng realidad. Sa pamamagitan ng mga rebyu sa peryodiko, itinatag nito ang mga pamantayan ng “ganda” sa nilalaman at “angkop” na anyo ng pagbasa. Kaya’t sa pinakapayak na anyo, konserbatismo ang nasa ubod ng klasikong kritisismo. Papaano magiging posible ang interbensyong ito?

Dagdag pa, dahil sa kalikasan ng kapitalismo na gawing komoditi ang lahat ng bagay, tanging may akses sa materyal—ang mga nasa akademya at gitnang uri—ang kadalasang nakapagsisimula ng diskurso. Nawawala ang saysay ng panitikan bilang gawaing panlipunan at pangkultura kung ang usapin hinggil sa mga pamantayan at pagtanggap sa sining ay iikot lamang sa mga pormal na institusyon. Ang pagiging eksklusibo ng kritisismo ay nagiging kasangkapan ng akademya upang, malay man o hindi, isulong ang isang partikular na ideolohiya—ang kaisipang burges.

Sa ganitong konteksto, lalong tumitining ang panawagan ni Eagleton: ang muling pagsilang ng kritiko bilang flΓ’neur—hindi bilang lakwatang nag-aagam-agam lamang, kundi bilang aktibong tagamasid ng araw-araw na reyalidad, mulat sa kontradiksyon ng lipunan, at nakikisangkot sa buhay ng mga inaapi. Hindi, ani Eagleton, kailangang magbugoy-bugoy ng flΓ’neur—hindi sapat ang paglalakad na walang pakialam. Sa halip, ang tunay na kritiko ay naglalakad nang may layon, may direksyon, at may paninindigan: kasama ang mga inaapi ng sistema, nakikibaka sa tabi ng mga binubusabos, nakabigkis ang isang bisig sa mga kapwa laboy habang ang kabilang kamay ay nakataas, kamaong handang lumaban para sa isapok sa nguso ng mga nagtarak ng punyal sa nagmumultong bangkay sa ating kamalayan.

Kung minumulto tayo ng kasaysayan, kung ang mga pahina ng panitikan ay dinadalaw ng mga multong nagmamakaawang maalala, maaaring ang panitikan ay maging isang eksorsismo—isang ritwal ng pagbasa at pagsusulat na naglalayong palayain ang nakaraan mula sa pagkalimot at pandarahas. Sa ganitong sitwasyon, ang unang hakbang ng eksorsismo ay pagbukas ng pinto: ang pagbawi sa panitikan bilang gawain ng mga tao, bilang anyo ng pakikibaka, bilang pagbawi sa bangkay ng ating kasaysayan.