Ang Trahedya ng Nobelang Pilipino
Isang pamilyar na imahe: hindi pa rin sumasabog ang gasera sa piging. Sa kasamaang palad, hindi nangyari itong lahat: ang tunog na wawasak at magpapadugo sa tenga ng mga burgis sa bulwagan; ang kombinasyon ng basag na salamin at pira-pirasong tipak ng kahoy na guguhit sa laman; ang komosyon ng mga prayle, mestizo, don, at donya dahil una, nahiwatigan nilang walang sinumang nasa tuktok ang mananahan sa itaas ng tatsulok panghabambuhay, na ang edipisyong pinatayog ng pagkagahaman ay walang dudang titibagin ng inaping pundasyon nito, at panghuli’y pirmado na ang kanilang sentensiya’t anumang segundo’y tatapyas at hihiwa ang karit ng kasaysayan at aakalain pa marahil ng mga tao sa labas na umuulan kahit pa maalinsangan dahil sa sandamukal na naglalaglagang perlas at hiyas sa kani-kanilang mga leeg.
Ang nitrogliserina, kinumutan na ng alikabok sa piling ng makakapal na sapot. Ang bigong pagtatangka mula sa unang dakilang nobelang Pilipino ni Jose Rizal, ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo, ay nag-anyong multo’t nanahan sa naratibo ng kasaysayan, umaalingawngaw ang iyak at naririnig sa bawat banghay ng nobelang sinusubukang tubusin ang reyalidad na daantaong ipinagkait sa mga inabuso, inapi, at tinatadyak-tadyakan ng kasalukuyang kaayusan ng lipunan. Ang bawat nobelang Pilipino ay tinutupok ng apoy mula sa trahedya na ating kinasasadlakan.
Kaya hinahabol pa rin si Julio Madiaga ng anino ng mga patalim sa pusod ng Maynila sa nobelang Sa Kuko ng mga Liwanag ni Edgardo Reyes. Nakabinbin pa rin sa ere si Adong sa kuwentong Ang Mabangis na Lungsod ni Efren Abueg. Ang bangungot nina Maria Clara at Sisa ay bangungot pa rin ng kababaihan sa araw-araw na paggising sa Pilipinas. Sa isang banda, pag-uulit lamang ng naisulat na ang bawat akdang iniluluwal ng kasaysayan mula kay Rizal hanggang sa kasalukuyan. Gaano man karimarim, walang hindi mapapangiwi sa reyalisasyon ni Jun Cruz Reyes noong 1984 na ang mga tauhan sa nobelang Pilipino ay nauuwing bigo sa harap ng “problemang panlipunan” tulad ng kahirapan, kagutuman, at kawalan ng oportunidad sa buhay. Ang pagkakulong sa rehas ng pagiging bansot, api, at talunan, ito ang trahedya ng nobelang Pilipinong hindi ganap na matuldukan. Hindi matubos-tubos ang kaluluwa ni Simoun sa piitan ng kasaysayan.
Sa ganitong pagpapalagay, maaaring ikuwadro ang kasaysayan ng panitikang Pilipino bilang kasaysayan ng palagiang pagbalikwas. Malay man o hindi, nakabaon sa banghay ng bawat kuwento ang walang hanggang pagtatangkang palagan ang mekanismo ng mapaniil na sistema. Ang pagkatalo at pagkabigo ng mga tauhan ay karikatura ng desperasyon ng mga Pilipino. Ang defeatismo nina Simoun, Julio, Adong, pati ang bawat isang binusabos at kinukutus-kutusang tauhan ay sumusuhay sa tinatawag ni Raymond Williams (sa Marxism and Literature, inilimbag noong 1972) na “estruktura ng pakiramdam” na produkto ng makinasyon kung saan may naghahari at may pinaghaharian, may bumubusabos at sinasaktan, at gumagalaw ang aparato ng kaayusang ito para pigilan ang anumang pagtatangkang maghimagsik, lumaban, at igiit ang karapatan ng karamihan.
Ang mainam na tanong, kailan matitigil ang sinasabi ni Terry Eagleton (sa librong How to Read Literature, inilimbag noong 2013) na pagreresiklo ng mga senyas? Ang walang hanggan at paulit-ulit na pagkatalo ng mga Pilipino sa sarili nating kuwento? Kailangang-kailangang sabay na humawan ng daan palayo sa nakasanayang naratibo ng pagiging talunan at sunugin ang daanang nilakaran ng kayraming nobelistang Pilipino noon hanggang ngayon. Maaari din namang ang kumunoy na humahatak sa paa ng Nobelang Pilipino ay hinugot mula sa imahinasyon ng naghaharing-uri at sa tulong ng kanilang makinasyon ay ipinapalabas bilang katotohanan.
Sa kabilang banda, marahil ang limitayon ng tauhan ay limitasyon ng nasisipat na abot-tanaw ng manunulat. Ang inakalang guhit-tagpuan na tutubos sa reyalidad ay isa palang banging inadornohan ng samo’t saring bungo ng mga bigong Pilipinong manunulat. Sa ganitong ideya, umaalingawngaw ang binanggit ni Eagleton (sa librong Sweet Violence: The Idea of the Tragic, inilimbag noong 2002) na kahulugan ng trahedya bilang “masalimuot na pagkilala sa limitasyon ng ideyolohiya.” Kung gayon, ang trahedya ng nobelang Pilipino ay wala sa araw-araw na pagkabigo ng mga tauhan kundi nasa limitasyon ng imahinasyon at pag-aakda ng mga Pilipinong manunulat.