Ang Nasa Pagitan ng Ating mga Kamay
Sa klase namin sa Panitikan ng Pilipinas Mula 1898–1945, pinag-aralan namin ang iba’t ibang anyo ng panitikang sumibol mula panahon ng Kastila hanggang Amerikano. Nakilala ko sina Aurelio Tolenino, Faustino Aguilar, at ang mga katutubong Pilipino na tinanggalan ng dangal sa pamamagitan ng pagkakait sa kanila ng edukasyon, kultura, sining, at kalayaan.
Sabi ni Ngugi Wa Thiong’o, isang gawaing panlipunan ang pagbabasa at pagsusulat ng panitikan. Iniluluwal ng tawag ng kasalukuyan at lipunan ang magiging epektibong anyo ng panitikan, ito ang natutuhan ko nang maunawaan ko ang kasaysayan ng sarsuwela. Kung paanong sa mga liblib na kanayunan ay may mga aktor at aktres na may mga bitbit na maramdaming monologo hinggil sa kahalagahan at pangangailangan ng pagpapatuloy ng paghihimagsik kahit pa nariyan ang banta ng sensura at sedisyon.
Wala nang pag-asa ang Pilipinas, sabi ng mga Amerikano noon. Hindi karapat-dapat na lumaya ang mga Pilipinas, sabi ng mga Amerikano noon. Ngunit pinalalakas lamang nito, mula noon hanggang ngayon, ang ideya na ang utopya ay laging naryan. Tinutunggali ng utopya ang katapusan at kakapusan ng pag-asa na likha’t kinonstrak ng estruktura ng lipunan. Sa kamay ng mga binasa naming manunulat, mula kina Aurelio Tolentino, Severino Reyes, Faustino Aguilar, at ang nasa pagitan din ng ating mga palad, sumisibol ang utopya, nasa ating mga kamay ang paglaban, nasa ating mga palad imamapa ang posibleng-posibleng hinahanap-hanap na hinagap.
Sa dulang Bagong Cristo (1907) ni Aurelio Tolentino, si Cristo na isang pesante-organisador, pagkatapos ipagdiwang ang Mayo Uno kasama ang mga magsasaka at mahihirap na inapi’t binusabos ng mga mayayaman at negosyanteng dahilan ng kahirapan, kagutuman, at kaybabang sahod, ay pinatay sa dulo ng dula. Sa panahon ngayon, patuloy pa rin ang masalimuot na kondisyon at kalagayan ng mga Pilipino ngunit huwag ding kalilimutang lalong nagpapatuloy ang paglaban at pagtunggali para igpawad ang mga ito. Sinasabi, marahil, ng dula ni Tolentino na palaging may isisilang na bagong kristo sa hanay ng mga inaapi, na laging may mabubuong komunidad mula sa utopya sa pagitan ng ating mga kamay.
Ang utopya ay laging naryan. Sumisibol sa tuwing sumasahol, laging handang humawan ng landas para sa radikal na mga alternatibo at pagbabago. Mula sa sarsuwela, maikling kuwento noong 1930s, hanggang sa mga panitikang nag-aalok na tingnan ang mundo hindi bilang kristal na di magagalusan kundi putik na kayang-kayang hubugin muli at papel na kayang-kayang sunugin at pag-alabin. Dahil nasa pagitan ng ating mga palad ang pangalan ng mundong muling isisilang, gagawin nating pundasyon ang abo ng mga buto at bulok na bangkay ng nag-aastang panginoon ngayon!