Imoral na Panitikan


Isang mapanuksong ilusyon ang pagtingin sa panitikan bilang balon ng moralidad. Ito ang tanging bagay na sasang-ayunan natin kay Harold Bloom, tagapagtanggol/hagyograpista ng mga dinadakilang puting Amerikanong manunulat, nang sabihin niyang hindi ka tuturuang maging mabuting tao sa pagbabasa ng mga akda nina Homer, Tolstoy, at Shakespeare. Masugid na mambabasa si Adolf Hitler at may doktorado sa panitikan ang kaniyang kanang-kamay na si Joseph Goebbels, ngunit wala namang mga petisyon upang ituring silang mga santo, hindi ba? Maliban na lamang kung isa kang hayagang pasista at mamamatay-tao.

Posible, bilang halimbawa, na may isang pulis na mahilig magbasa ng maiikling kuwento ni Anton Chekhov at sa gabi ay rumoronda para manokhang ng mga adik para sa buwanang kota. Lalong posible ang mga intelektuwal o mambabasa-manunulat, silang may malawak at malalim na kaalaman sa panitikan, na pumanig sa awtoritaryanismo at pasismo. Saliksikin: Frankfurt Book Fair [1]. Magulat: mga manunulat at palimbagang walang kamalay-malay sa panganib na dala ng pagpiling sumali-pumanig sa pagtitipong ito. Magalit: mga manunulat at palimbagang pinipilit pa rin ang adbentaheng maidudulot ng pagpiling sumali-pumanig sa pagtitipong ito.

Laging kakambal ng panitikan ang lipunan at kasaysayan nito. Nasa panitikan ang ugat ng ating mga kilos at pag-iisip, tradisyon at kultura, saloobin at himutok, pati pangarap at bangungot ng mga tao. Magtutunog kang sirang plaka, para kay Terry Eagleton, kung paulit-ulit mong ipipilit na paghiwalayin ang panitikan at ideolohiya bilang dalawang magkaibang bagay. “May direktang relasyon,” wika ng nasabing teorista-manunulat, “ang panitikan sa kapangyarihan at lipunan.” Bilang halimbawa, sa kabanatang The Rise of English sa librong Literary Theory: An Introduction (1983) ni Eagleton, ginamit, aniya, ang panitikan bilang alternatibo sa nanghihinang impluwensiya ng relihiyon sa ika-19 na siglo ng imperyong Europa. Sa pamamagitan ng mga imahe, simbolo, ritwal, at mitolohiya, isang tagumpay na interbensyon sa ideolohiya at kamalayan ng gitnang-uri at mga pesante ang mga kuwentong nagtuturo ng pagpapatawad at pagtanggap sa reyalidad sa gitna ng marahas na pagbabago ng mundo.

Bilang pagdaragdag, natuklasan sa pag-aaral ni Chris Baldick [2] ang mga anekdota kung saan kinilala ang mga pasibol na Amerikanong manunulat bilang tagapagligtas ng mga kaluluwa at maladoktor na maghihilom sa estado. Kung relihiyon ang opyo ng masa [3] noong ika-18 siglo, piksyon naman noong ika-19 na siglo. Naging doble-kara ang panitikan: nakapagturo noon ang mga kuwento ng mga unibersal na katotohanan tulad ng kabutihan ngunit sa kabilang banda, nakalimot ang mga mambabasa sa kanilang panlipunang reyalidad na nanlilimos ng agarang solusyon. Naging malaking salik dito ang pagpuntirya ng mga manunulat sa emosyon, pakiramdam, at karanasan. Ang magandang tanong: anong emosyon at pakiramdam, kaninong karanasan pumapanig ang manunulat?

Ang ganitong pagtingin sa panitikan bilang balon ng moralidad ay marahil naging isang mahalagang salik sa pagluwal ng Bagong Kritisismo. Ayon sa teoryang ito, ang akda ay isang nagsasariling entidad na hiwalay sa konteksto o lugar nito sa kasaysayan at lipunan. Tinitingnan ang akda bilang koleksyon ng mga elementong pampanitikan at hindi bilang tila sanggol na iniluwal ng ideolohiya, kapangyarihan, at lipunang nakaiimpluwensya sa paglikha at pagbasa sa mga ito. Ang hindi mamamatay-matay na tanong sa tuwing nagbabasa tayo — tulad ng anong leksyon ang gustong sabihin ng manunulat sa kuwentong ito? — ay nakatulong para isiping tanging nasa pangangalaga ng mga manunulat ang kahulugan ng akda. Sa tulong ng mga pamimintanang ito hinggil sa panitikan, naging madali ang pagpapasaklob ng literatura sa politikal na status quo, sa namamayaning kapangyarihan ng kasalukuyang kaayusang panlipunan, kaayusang iilan lamang ang tanging nakikinabang.

Kung hindi nakatutulong ang pagsangguni sa panitikan para humanap ng mga sagot tungkol sa moralidad ng/at buhay, ano kung gayon ang mainam na gawin?

Ayon kay Ngugi Wa Thiong’o, isang Aprikanong manunulat, ang panitikan ay naglalaman ng mga larawan ng sangkatauhan sa isang piling punto ng kasaysayan. Kung paano titingnan ang panitikan, kung paano ito ituturo ng mga guro, ay lubhang makaaapekto sa kamalayan ng kasalukuyang henerasyon at silang mga isisilang pa lamang. Dagdag pa ni Wa Thiong’o [4], ang silabus na naglalaman ng panitikan, ang makinaryang pumipili kung anong mga teksto, at mga teknik/pedagohiyang magsasaad ng interpretasyon sa mga ito ay mahalagang bahagi ng imperyal na dominasyon ng mga neokolonyalismo [5]. Mainam na iparating sa mga mambabasang mag-aaral na wala sa panitikan ang ebanghelyo ng mesiyas, na ang laban para sa katubusan ay magsisimula sa punto ng pagsasara ng libro.

Kung gayon, paano natin titingnan ang panitikan? Kung walang pagpapahalaga sa moralidad, matatawag pa ba itong panitikan? Imoral na panitikan ba ang mga akdang bumabalanse sa lubid ng dispersyon, dislokasyon, kontradiksyon, transgresyon, at pumapaksa sa mga katotohanang pilit iniiwasan ng marami tulad ng diktadurya, henosidyo, at maging ang kapangyarihan ng panitikan at panitikan ng kapangyarihan? Imoral na panitikan ba ang panitikang nagluluwal ng samo’t saring posibleng pagbasa sa sarili nito? Imoral na panitikan ba ang panitikang nag-aalok ng sagot lampas sa mga tanong na may kinalaman sa indibiduwal na lunggati (desire)? Kung gayon, magbasa tayo nang magbasa ng imoral na panitikan!

Tala:

1. Ang Frankfurt Book Fair ay taunang pagtitipon ng mga manunulat, palimbagan, at mambabasa sa Germany. Maraming manunulat at palimbagan, sa loob man o labas ng bansa, ang nakiisa sa ginanap na Frankfurt Book Fair noong nakaraang mga taon. Nangyari ito sa kabila ng hayag na pagkampi ng nasabing book fair sa mamamatay-taong Israel at kahit na may mga manunulat na direktang inetsa-puwera at pinatawan ng sensura tulad ng palestinang si Adania Shibli.

2. May pamagat na The Social Mission of English Studies (1981) ang tesis na ito ni Chris Baldick. Galing sa lektyur ni George Gordon ang naturang sipi. Dating propesor ng Amerikanong Panitikan sa Oxford si Gordon.

3. Kay Karl Marx galing ang ideya.

4. Nasa librong Writers in Politics: A Re-Engagement with Issues of Literature & Society ni Ngugi Wa Thiong’o.

5. Makabagong uri ng kolonisasyon kung saan mga ideya, kultura, at tradisyon ang pinupuntirya ng mga gahamang imperyalista.